Pinagtibay ng DA Region II at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng 65 proyektong Farm-to-Markets Road (FMR) sa lalawigan nito lamang Hulyo 9, 2026.

Nilalaman ng MOA ang tinatayang P1.185 Bilyong pisong pondo para sa pagbuo’t pagpapatupad ng 65 FMRs sa probinsya. Kabilang na rito ang walong handa nang ma-groundbreak na mga proyekto bilang unang bahagi nito. Tatlo mula sa Benito Soliven, isa sa Naguilian, San Mariano, Cauayan, City of Ilagan, at Reina Mercedes na sa kabuuan ay umaabot na sa ₱140 milyon. 

Sa ginanap na seremonyal na paglagda, pormal nang sinimulan ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ni Gobernador Rodito T. Albano III at ni Regional Executive Director, Rosemary G. Aquino ng DA RFO 02. 

Para sa pagpapatupad ng mga proyekto, itinalaga ng kagawaran ang kinakailangang pondo, habang ang pamahalaan ng Isabela naman ang magsasagawa ng mga kaukulang hakbang para sa pagproseso ng mga permit at clearance, pagkuha ng right-of-way, paghahanda ng program of works, at pagtugon sa iba pang dokumentaryong pangangailangan. Magiging tagapangasiwa irto sa operasyon at pagpapanatili ng mga natapos na proyekto upang matiyak ang kanilang pangmatagalang pakinabang.

Bahagi rin ng proyekto ang paglalagay ng mga reinforced concrete pipe culvert, mga kanal na may proteksiyon sa gilid ng dalisdis, mga road signage, at mga markang reflectorized sa kalsada upang higit na mapatatag ang imprastraktura at mapababa ang posibilidad ng mga aksidente.

Inaasahang magpapabilis ang mga Farm-to-market road sa paghahatid ng mga produktong agrikultura, magpapababa ng gastos sa transportasyon, at magpapalakas sa kabuhayan ng libu-libong magsasaka sa lalawigan.

via Pauline Lago