Pinagtibay ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang El Niño Contingency Plan ng lalawigan, na naglalayong mapagaan ang inaasahang epekto ng matinding tagtuyot sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa isinagawang pagpupulong kahapon, Hulyo 13, tinalakay ng DA at ng provincial government ang mga pangunahing interbensiyong ipatutupad upang mapanatili ang produksyon ng agrikultura at matiyak ang seguridad sa pagkain sa lalawigan. Pinangunahan ang pulong ni DA Regional Executive Director Rose Mary Aquino at Cagayan Governor Edgar Aglipay, kinatawan mula sa attached bureau at insurance arm ng DA, at opisyales ng Kapitolyo.

Maglalaan ang DA ng solar-powered irrigation pumps sa mga lugar na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig upang masuportahan ang irigasyon lalo na sa mga malapit sa ilog. Magpapamahagi rin ng drought-resistant seeds tulad ng puting mais, munggo, watermelon at iba pang pananim ang ahensya na matibay sa nararanasang tagtuyot.

Kasabay nito, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng koordinasyon sa mga bayan na apektado ng tagtuyot para matiyak ang agarang distribusyon ng nasabing mga interbensiyon, kabilang ang mga hindi nakapagtanim dahil sa kakulangan ng tubig.

Higit pang pinalalakas ng DA Region 2 at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang kanilang pagtutulungan upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain sa lalawigan.

Istorya mula kay Julian Florague