Inilulunsad ngayong Hulyo ang cloud seeding operations sa Isabela bilang bahagi ng pinalakas na hakbang ng Department of Agriculture (DA) Region 2 at ng Pamahalaang Panlalawigan upang mabawasan ang pinsalang dulot ng El Niño sa mahigit 43,000 ektaryang maisan habang nasa 1,078 ektaryang palayan naman ang naapektuhan ng kakulangan sa patubig sa ilalim ng NIA-MARIIS.
Sa inisyal na isasagawang cloud seeding ay magsisimula sa Hulyo 20, matapos na i-request ng ahensya ang pondo mula sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM), maghahanda rin ang DA Region 2 ng 47 toneladang binhi ng monggo na ipamamahagi sa 8,000 magsasaka bilang alternatibong pananim habang nananatiling limitado ang suplay ng tubig sa mga irigasyon.
May nakalaan ding mga binhi ng pakwan, puting mais (malagkit), at 1000 cans onion upang mabigyan ng karagdagang mapagkukunan ng kita ang mga magsasakang pansamantalang hindi makapagtanim ng palay.
Ayon kay DA Region 2 Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, bahagi ang mga interbensiyong ito ng agarang tugon ng ahensiya upang mapanatili ang produksyon at matulungan ang mga magsasakang labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Samantala, hinikayat ni Gobernador Rodito T. Albano ang lahat ng apektadong magsasaka na magpatala sa kani-kanilang Municipal o City Agriculture Office upang maisama sa validation at agarang makatanggap ng kaukulang tulong.
Inatasan na rin ni Albano ang lahat ng agricultural offices sa lalawigan na pabilisin ang validation ng mga apektadong magsasaka upang matiyak ang maagap at maayos na pamamahagi ng mga ayuda at agricultural interventions.
Istorya mula kay Julian Florague
