Namahagi ang Southern Cagayan Research Center (SCRC) ng 1,200 kilo ng binhi ng mani sa Damurug White Corn Growers Farmers Association, gayundin ng mga punla at iba pang agricultural inputs sa mga asosasyon ng magsasaka sa Iguig, Cagayan noong Hunyo 24, 2026 sa Minanga Norte.
Isinagawa ang pamamahagi bilang bahagi ng suporta ng DA Region 2 sa pagtugon sa epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura. Kasabay rin ito ng pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Department of Agriculture at Open Government Week, kung saan nagsagawa ang SCRC ng Open House.
Ayon kay ginoong Joefrey Bacayo, Science Research Analyst at project leader ng aktibidad, kabilang sa kanilang El Niño Mitigation Initiatives ang pamamahagi ng PN 9 variety ng mani na angkop sa tagtuyot. Ang naturang variety ay maaaring anihin sa loob lamang ng 90 hanggang 100 araw, nangangailangan ng kaunting patubig, at nakatutulong sa pagpapayabong ng lupa dahil sa kakayahan nitong magdagdag ng nitrogen.
Bago ang pamamahagi, nagsagawa muna ang SCRC ng oryentasyon hinggil sa tamang paggamit ng Biological Control Agents (BCA), biofertilizers, at iba pang agricultural inputs, na sinundan ng guided tour sa mga pasilidad ng istasyon.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng Damurug White Corn Growers Farmers Association, Blessed Movement, Gammad Rainfed Farmers Association, at Municipal Agriculturist ng Iguig na si James Balubal.
Bukod sa binhi ng mani, namahagi rin ang SCRC ng mga punla ng kamatis, talong, at saging, gayundin ng Agri-N, Biological Control Agents (BCA), at Compost Fungus Activator (CFA).
Bilang pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang ng Department of Agriculture, nagtanim din ang mga kawani ng ahensya at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng 150 punla ng saging sa Bayo, Iguig noong Hunyo 25, 2026.
Istorya mula kay: Pauline Joy Lago
