Ginawaran ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA RFO O2) ng espesyal na pagkilala at scholarship program hanggang kolehiyo si John Michael “JM” Andres, isang Grade 7 na mag-aaral mula sa Bangag, Lal-lo, sa ginanap na 2026 Gawad Saka nito lamang Hunyo 26 sa Robinsons Place Tuguegarao.
Kinilala si JM matapos siyang maging inspirasyon sa kanyang pagpapakita ng pagmamahal sa agrikultura, lalo na nang dalhin niya ang hiniram na kalabaw sa paaralan upang tumulong sa pagbubungkal ng lupang pagtataniman sa kanilang ‘Brigada Eskwela’.
Bukod sa scholarship, tumanggap din siya ng cash incentive mula sa DA Region 2 at karagdagang P5,000 mula sa Zonta Club Tuguegarao.
Lalo pang nakilala ang bata matapos itong mag-viral online na nagpakita ng inspirasyon sa mga ibang kabataan na mayroon pa ring kagaya niya na mulat sa gawaing pagsasaka.
Ayon kay Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino, ang ipinakitang gawain ng estudyante ay nagsisilbing huwaran para sa kabataan na may pag-asa pa ang agrikultura sa mga susunod na henerasyon. Dagdag pa niya, ang ipagkakaloob na scholarship program ay malaya itong mamili ng kursong agrikultura o iba pang may kaugnay na kurso. Maaari ring maging benepisyaryo ang bata kung gugustuhin niyang sumali sa Young Farmers Challenge ng DA.
“Kumuha ka ng anumang kursong may kinalaman sa agrikultura at kapag ikaw ay makakapagtapos, sisikapin namin na ikaw ay i-aabsorb sa opisina ng DA,” ani ni RED Aquino sa kanyang opisyal na pahayag sa naganap na Parangal.
Istorya mula kay Julian Florague
