Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Department of Agriculture, nagsagawa ng sabayang tree planting activity ang apat na research stations ng DA sa Cagayan Valley bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa pangangalaga ng kalikasan at pagsusulong ng climate-smart at climate-resilient agriculture noong Hunyo 24, 2026.

Kabilang sa mga lumahok ang Cagayan Valley Research Center (CVRC) ng Ilagan, Isabela, Southern Cagayan Research Center (SCRC) ng Iguig, Cagayan, Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) ng Bagabag, Nueva Vizcaya, at Northern Cagayan Experiment Station (NCES) ng Abulug, Cagayan.

Nagtanim ang mga research stations ng iba’t ibang fruit-bearing trees tulad ng atis, sweet pomelo, at grafted mangoes sa kani-kanilang mga istasyon. Isinagawa ang pagtatanim sa production area ng CVRC, paligid ng existing pond area ng NCES, Cagayan Breeding Station (CBS) sa Solana para sa SCRC, at sa paligid ng istasyon ng NVES.

Kasabay nito, ipinamalas din ang paggamit ng mga climate-smart technologies gaya ng High-Density Planting System (HDPS), drip irrigation, weed barrier, at whitewashing, na layuning mapanatili ang mataas na produksyon ng mga pananim at mapalakas ang kakayahan ng sektor ng agrikultura na makayanan ang epekto ng matinding init at tagtuyot dulot ng El Niño.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng Department of Agriculture ng pangangalaga sa kalikasan, makabagong teknolohiya, at napapanatiling agrikultura para sa kapakinabangan ng mga magsasaka at ng mga susunod na henerasyon.

Istorya mula kay Mildred Alan