Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Department of Agriculture, namahagi ang Cagayan Valley Research Center (CVRC) sa Ilagan City, Isabela ng iba’t ibang libreng agricultural inputs at biological control agents (BCAs) sa mga magsasaka ng Isabela.
May kabuuang 128 magsasaka mula sa barangay Bangag, Centro San Antonio, San Pablo, Santo Tomas, Capo ng Ilagan at San Mariano, Isabela ang napiling benepisyaryo ng programa.
Kabilang sa mga ipinamahaging agricultural inputs ang 160 pakete ng Low GI rice, 72 bag ng glutinous corn seeds, 640 punla ng mga punong-prutas, 3,000 vegetable seedlings, 128 pakete ng biofertilizer, 128 pakete ng vascular mycorrhiza, 128 bote ng liquid concentrate, 926 pakete ng AGRI-N, at 190 pakete ng Composed Fungal Activator (CFA).
Namahagi din ang ahensiya sa pamamagitan ng Regional Crop Protection Center ng iba’t ibang Biological Control Agents (BCAs), kabilang ang Metarhizium, Trichoderma, Beauveria, Isaria, Trichogramma cards, earwig boxes, pheromone lures para sa Fall Armyworm, at mushroom fruiting bags.
Layunin ng inisyatibong ito ng ahensya na suportahan ang mga magsasaka sa pagpapataas ng produksyon, pagpapabuti ng kalusugan ng lupa, pagbabawas ng pagdepende sa mga kemikal na input, at pagpapagaan ng epekto ng El Niño sa kanilang mga sakahan.
Istorya mula kay Mildred Alan
