Umabot sa 100 magsasaka ang direktang benepisyaryo ng Upscaling of Recommended Corn Production Project o RCPT sa Barangay Caniogan Abajo, Sto. Tomas, Isabela matapos na pagkalooban sila ng malawakang suporta sa produksyon ng mais mula sa Department of Agriculture Regional Field Office No. 02, ika-3 Hunyo 2026.

Sa kabuuan, tinanggap ng mga benepisyaryo ang 1,000 sako ng agricultural lime, 600 sako ng complete fertilizer, 600 pakete ng biofertilizer para sa mais, at 100 sako ng glutinous white corn seeds na gagamitin sa 100-ektaryang taniman sa ilalim ng programa.

Layunin ng interbensiyon na pataasin ang ani at kalidad ng glutinous white corn sa pamamagitan ng paggamit ng angkop na corn production technologies, kabilang ang soil conditioning gamit ang agricultural lime, balanced fertilization, at paggamit ng biofertilizer upang mapabuti ang soil health at nutrient uptake ng pananim.

Ayon sa DA RFO 02, ang nasabing suporta ay inaasahang magreresulta sa mas mataas na produktibidad ng maisan, mas matatag na suplay ng glutinous white corn sa rehiyon, at mas malaking kita para sa mga magsasakang kalahok sa proyekto.

Dagdag pa ng ahensya, ang programa ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ng pamahalaan upang palakasin ang sektor ng mais sa Lambak ng Cagayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng dekalidad na binhi, farm inputs, at teknikal na suporta.

Inaasahan na ang proyekto ay magsisilbing modelo ng mas episyente at tuloy-tuloy na produksyon ng white corn sa buong rehiyon at mataas n akita para sa mga magsasaka.

 

Istorya mula kay: Julian Florague