Mainit na tinanggap ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang mga kawani mula sa DA Regional Field Office- MIMAROPA sa isinagawang Benchmarking and Institutional Learning Activity noong Mayo 18–22, 2026. Layunin ng aktibidad na palakasin at mapalawak ang kaalaman ng DA RFO MIMAROPA sa pamamagitan ng pag- aaral ng sistema at best agricultural practices ng DA RFO 02 sa pamamahala ng mga research stations, laboratoryo, at iba pang pasilidad na sumusuporta sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.
Sa pangunguna ng Research Division ng DA RFO 02, nagsilbing learning venue ang iba’t ibang research center, experiment stations, at laboratory facilities ng rehiyon na nagbigay sa mga bisita ng pagkakataong masuri ang mga sistema at mekanismong ginagamit sa pagpapatupad ng mga programa sa pananaliksik sa agrikultura.
Bilang bahagi ng limang araw na pagbisita, isinagawa ang briefing, orientation, at open forum sa DA RFO 02 Technology Commercialization. Nagkaroon din ng serye ng mga field visits at orientations sa iba’t ibang pasilidad ng rehiyon kabilang ang DA Southern Cagayan Research Center – Cagayan Breeding Station, Cagayan Valley Integrated Agricultural Laboratory (CVIAL) sa ilalim ng Integrated Laboratory Division (ILD), Southern Cagayan Research Center (SCRC) Main Station, Cagayan Valley Research Center (CVRC) Main at Annex Facilities, Isabela Experiment Station (IES), at Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES).
Ayon kay DA RFO-MIMAROPA Regional Executive Director, Atty. Christopher R. Bañas, nagbigay ang benchmarking activity ng makabuluhang kaalaman at praktikal na pagkatuto hinggil sa implementasyon at pamamahala ng mga research programs at facilities. Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa tulong ng tanggapan upang higit pang mapalakas at mapabuti ang kanilang pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura.
“The delegation sincerely appreciates the opportunity to observe the operations and management approaches of your research and support facilities, as well as the sharing of experience and strategies in maximizing resources and sustaining research operations. These insights will significantly contribute to the continuing improvement of DA-RFO MIMAROPA’s research systems and initiatives” ani ni Atty. Bañas.
Dagdag pa, inaasahan din ng DA RFO-MIMAROPA na higit pang mapagtitibay ng naturang aktibidad ang ugnayan ng dalawang rehiyon sa pagsusulong ng agricultural research and development initiatives na makatutulong sa paghahatid ng mas mahusay na serbisyo sa mga magsasaka at iba pang stakeholder’s ng sektor ng agrikultura.
Patunay ang aktibidad na ito sa patuloy na pagsusulong ng Kagawaran ng Agrikultura sa tuluy tuloy na pagkatuto, kolaborasyon, at pagbabahaginan ng kaalaman upang higit pang mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa bansa.
via Aza-zel T. Erro
