Bilang tinaguriang “Corn Capital of the Philippines” ang siyudad ng Ilagan, naipatayo ang kauna-unahang Corn Complex Phase 1 sa buong Pilipinas, isang postharvest facility na layuning mapalakas ang produksyon, mapabuti ang marketing system, at mapataas ang kita ng mga magsasaka ng mais.Ito ay nagkakahalaga ng Php 106.9M mula sa pondo ng Department of Agriculture.
Ang nasabing industrial corn processing complex ay may layuning mapabilis ang pagpapatuyo ng mga aning mais at palawakin ang market linkage ng mga magsasaka, kung saan sa pamamagitan ng Asosasyon ng mga Ama sa Lungsod ng Ilagan o AMA-SILA, ang pangunahing benepisyaryo ng nasabing pasilidad, ay magkakaroon ng direktang bentahan ng kanilang ani at maiwasan ang postharvest losses dahil sa hindi tamang pagbibilad at pag-imbak.
Sineseguro rin ng AMA-SILA ang pagbili sa mga magsasaka ng kanilang ani sa parehong mais at palay na may dagdag isang piso mapa-sariwa o dry man ito kumpara sa ibang traders. Bukod pa rito, katuwang ng asosasyon ang lokal na pamahalaan ng Ilagan sa pagbili ng kanilang ani kung sakaling may surplas sa mais at palay.
Sa tulong na rin ng pribadong kumpanya sa siyudad, ang Charoen Pokphand Foods Public Company at Sagittarian Agricultural Philippines Inc. ay direkta rin nilang binibili ang produktong mais upang gawing animal feed. Ang Charoen Pokphand Foods Public Company ay isang kilalang kumpanyang agro industrial at food company mula Thailand na may malawak na operasyon sa produksyon ng feeds, manok, baboy, at iba pang produktong agrikultural. Samantala, ang Sagittarian Agricultural Philippines Inc., kumpanyang katuwang sa pagpapalawak ng industriya ng agrikultura sa lalawigan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa feed mill, poultry, at swine production facilities.
Sa malaking tulong ng corn complex, makakabenta ang mga magsasaka ng dekalidad at ligtas na produktong mais sa mga pribadong institutional buyers mula sa loob at labas ng rehiyon. Sa pamamagitan ng mas matatag na pasilidad na ito mas mapapabilis ang bentahan ng ani at mas mapapataas ang kita ng mga magsasaka. Patunay lamang ito na sa pamamagitan ng maayos na market linkage, sapat na pasilidad, at matibay na ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor, mas nagiging matatag ang kabuhayan ng mga magsasaka at mas napauunlad ang industriya ng mais sa Lungsod ng Ilagan.
via Castle Castillo
