Nagpatupad ng libreng Agri-Serbisyong Soil Testing, RSBSA assistance, at pamamahagi ng IEC materials, CFA, at AGRI-N ang Department of Agriculture Region 02 noong Mayo 19-21, 2026, na naglalayong palakasin ang kaalaman at produksyon ng mga magsasaka sa bayan ng Dinapigue, Isabela.

May kabuuang 372 magsasaka ang nabigyan ng pagkakataong magpasuri ng lupa sa pamamagitan ng soil testing. Ang resulta mula rito ang magiging batayan ng mga rekomendasyon para sa wastong pag-aabono at pag-aalaga ng taniman, upang mapataas ang ani at kita ng mga benepisyaryo.

Kasabay nito, 50 magsasaka ang lumahok sa hands-on soil testing training gamit ang Soil Testing Kit (STK), kung saan itinuro ang tamang pagbasa ng soil fertility status, pagpili ng angkop na uri at dami ng abono, at tamang timing ng pag-aaplay nito. Bahagi rin ng pagsasanay ang pagtukoy kung ang lupa ay acidic o hindi, na mahalaga sa pagbuo ng epektibong crop management plan.

Dagdag nito, namigay ng iba’t ibang Information, Education and Communication (IEC) materials para dagdag-kaalaman ng mga magsasaka tungkol sa mga programa, serbisyo, at proyekto ng kagawaran, kabilang ang mahahalagang impormasyon sa pagsugpo ng mga problema sa bukirin.

Namahagi din ng libreng AGRI-N at Composed Fungus Activator (CFA) mula sa Mobile Soil Laboratory. Sinagot din ang mga katanungan ng mga magsasaka ukol sa RSBSA registration, upang masiguro ang maayos at komprehensibong paglilista ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Istorya ni: Mildred Alan