City of Ilagan, Isabela — Pinaigting ng Local Government Unit (LGU) at ng DA Region 02 ang inisyatibang mapalakas ang industriya ng mais sa pamamagitan ng paglunsad ng Corn Complex Phase I at paglatag ng mga plano pa nitong modernisado at nakapagpapaunlad sa produksyon.
Sa paglulunsad ng Department of Agriculture Region 2 at LGU, ang Corn Complex ay inaasahang makatutulong sa mga magsasaka ng lungsod at mga karatig na lugar na maiwasan o mabawasan ang pagkalugi ng mga ito.
Nang ginanap ang turnover ceremony, nabanggit ni Mayor Josemarie “Jay” Diaz ang papel nito sa pagpapalawak at layunin nitong maging sentro ng agro-industry sa Northern Luzon lalo na sa research, innovation, at technology transfer sa Lambak ng Cagayan lalo na at itinuturing na pangunahing prodyuser ng mais ang rehiyon.
Sa iprinisintang plano ng Alkalde patungkol sa pagpapaunlad ng agrikultura sa kanilang syudad, binigyang diin nito ang pag-transition nila mula sa linear integration papuntang vertical integration kung saan mula sa sakahan o pagawaan, didiretso na ang mga produkto sa merkado.
Itinampok nito ang circular economy model sa lungsod kung saan magkakaugnay na ang mga industriya ng produksyon sa tulong ng LGU mula sa mais, feeds, livestock, meat processing, organic fertilizer, at pati na renewable energy na makapagpapataas ng value-added production. Ito ay makatutulong sa mas mataas na balik sa mga prodyuser mismo ng lungsod at makababawas sa gastos at masasayang na materyales o produkto.
“They [farmers] deserve growth, stability, dignity, and a better quality of life. Sa pamamagitan ng circular economy model, kunti-kunti po nating nakikita ang pag-evolve ng tradisyunal na sistema ng agrikultura tumo sa mas efficient, mas sustainable economic system.” ani Mayor Diaz.
Iginiit pa ni Usec (for Operations, Agri Fisheries Mechanization and Rural Credit) Roger P. Navarro ang kahalagahan ng pagkakabuo ng Corn Complex dahil sa mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka: kakulangan sa kagamitan, imbakan at mga pasilidad na makakatulong sa pagpapanatili ng kalidad ng produktong mais na sanhi ng pagkalugi ng kalakhan ng mga magsasaka.
Dagdag pa ni Usec Navarro ang patuloy na pag-angkat ng bansa ng mais at bigas sa ibang bansa ay nakaaapekto rin sa kinikita ng mga lokal na magsasaka sa bansa. Kung kaya hinimok nito ang mga mababatas at economic managers na dagdagagan pa ang pamumuhunan sa mga agricultural infrastructure upang maprotektahan ang ani at kabuhayan ng mga magsasaka.
Kapwa pinahalagahan nina Mayor Diaz at Usec Navarro ang kahalagahan ng modernisasyon ng agrikultura at patuloy na suporta sa mga lokal na magsasaka upang matiyak ang food security sa bansa.
Istorya mula kay: Pauline Lago
