Sumailalim sa pagsasanay at oryentasyon ang mga Ivatan Cops kaugnay sa pagpapatupad ng Republic Act No. 8485 o mas kilala bilang Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan ng RA 10631, sa pangunguna ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 – Regulatory Division katuwang ang Bureau of Animal Industry (BAI), sa Batanes Experiment Station, Kaychanarianan, Basco, Batanes noong Mayo 20, 2026.
Kabuuang 30 kalahok na binubuo ng mga kapulisan, kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office, at BAI-Regional Quarantine Office ang lumahok sa naturang aktibidad, kung saan layunin nitong palakasin ang kaalaman at kakayahan sa tamang paghawak at pagresponde sa mga reklamong may kaugnayan sa pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga hayop.
Tinalakay rin sa pagsasanay ang wastong proseso ng pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga lumalabag sa batas hinggil sa kapakanan ng mga hayop at pangangalaga sa kalikasan.
Dumalo rin sa aktibidad ang kinatawan mula sa DILG-Batanes na nagbigay-linaw hinggil sa nilalaman ng DILG Memorandum Circular 2024-261 na may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng mga hayop at pangangalaga sa kalikasan.
Ayon sa huling tala, nasa 187 na pulis mula sa iba’t ibang lalawigan sa Lambak ng Cagayan ang sumailalim sa kaparehong pagsasanay noong nakaraang taon bilang bahagi ng pagpapalawak ng kampanya laban sa animal cruelty at iba pang iligal na gawain.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapahusay ng kaalaman at mas pinaigting na pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa pagpaparami at pangangalaga ng mga hayop, inaasahang mas mapipigilan ang pang-aabuso, iligal na bentahan, at iba pang gawaing nakasisira sa sektor ng agrikultura at produksyon ng pagkaing nagmumula sa mga hayop.
Istorya ni: Castle Castillo
