Sa pinagsamang inityatibo ng Bureau of Animal Industry – National African Swine Fever Prevention and Control Program (BAI-NASFPCP) at #DARegion 02 mas pinaigting ang kampanya laban sa African Swine Fever (ASF) sa pamamagitan ng “May Magagawa Ako” Information Caravan on ASF na isinagawa sa lalawigan ng Isabela mula Mayo 19 hanggang 21, 2026.

Kasunod ng naging karanasan ng Isabela sa ASF outbreak, naging sentro ang probinsya ng information drive upang higit pang mapalakas ang kaalaman at kahandaan nito laban sa ASF. Nagsama-sama rito ang mga hog raisers, backyard farmers, meat vendors, traders, byahero, local veterinarians, at iba pang stakeholders mula sa livestock sector katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga nakilahok ang BAI- Veterinary Quarantine Services Station 2, Philippine Crop Insurance Corporation Region 02, National Meat Inspection Services Regional Technical Operation Center 2, Municipality of Echague, City Veterinary Office of Cauayan and Santiago at Department of Agriculture Regional Field Office No. 02.

Layunin ng aktibidad na maipaliwanag sa mas simple at madaling paraan ang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng ASF at maprotektahan ang kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy.

Ayon kay Dr. Mark Anthony S. Barreyro, Veterinarian II at ASF Luzon Cluster Coordinator, mahalagang paigtingin ang pagpapatupad ng biosecurity measures sa pamamagitan ng information caravan upang makontrol o maprevent ito.

Isa sa pangunahing binigyang-diin niya ay ang  biosecurity sa mga farm tulad ng regular na pagdisinfect ng mga kagamitan, pag-iwas sa pagpapasok ng kontaminadong produkto, at agarang pagre-report kapag may senyales ng sakit ang mga alagang baboy.

Kabilang din sa mga tinalakay sa caravan ang kasalukuyang sitwasyon ng ASF sa bansa hanggang sa regional at provincial level, ligtas na pagbibiyahe ng mga baboy, meat safety standards, animal insurance, at iba pang mahahalagang polisiya laban sa ASF.

Bukod sa pagbibigay ng impormasyon, binigyan din ng pagkakataon ang mga kalahok na direktang makapagtanong, makapagbahagi ng karanasan, at makilahok sa kwentuhang pangmasa ng “Kwento ni Aling Cathy at Mang Biboy.”

Samantala, bilang bahagi ng kampanya, nagsagawa rin ng awareness parade at pamamahagi ng ASF brochures mula Santiago Public Market hanggang City Hall upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng publiko tungkol sa ASF prevention at biosecurity.

 

Istorya ni: Aza-zel T. Erro