Mahigit kalahating milyong pisong halaga ng gulay ang naipagbili ng AgrizKaya Cooperative Federation sa loob ng mahigit isang buwang market linkage sa ilalim ng programa ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02. Umabot sa kabuuang 18,349 kilo ng gulay na may market value na P572,036 ang tuloy-tuloy na naihatid ng kooperatiba mula sa mga farmer-members nito patungo sa bago nitong institutional buyer na nagsusuplay sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa Luzon mula Abril 1 hanggang Mayo 13, 2026.

Kabilang sa mga naipadalang produkto ang sayote, repolyo, talong, kamatis, patatas, at carrots na matagumpay na naibenta sa mga branch sa Nueva Ecija, Quezon City, at Pampanga. Sa tulong ng KADIWA trucks na ipinagkaloob sa kooperatiba, nakapaghatid ang AgrizKaya ng 4,862 kilo ng gulay sa Mexico, Pampanga mula Abril 1 hanggang 30. Noong Marso 25 naman, naihatid ang 4,477 kilo ng sayote at repolyo sa San Jose, Nueva Ecija. Sinundan ito ng 5,010 kilo ng repolyo, sayote, carrots, at patatas na naideliver noong Mayo 6 sa SMSC Sucat at Mexico, Pampanga, habang karagdagang 4,000 kilo naman ang naihatid noong Mayo 13.

Ayon kay Erickson Salvador Guban manager ng kooperatiba, malaking biyaya para sa kanilang kooperatiba ang suporta ng DA-RFO 02 sa pagbubukas ng mas malawak na merkado para sa kanilang mga produkto. “Very much appreciated dahil si DA mismo ang nagpunta dito sa office para ipakilala kami sa institutional buyer. It’s really a blessing sa’min ang KADIWA truck na bigay ni DA dahil naiaahon namin ang aming kooperatiba sa pagbebenta ng gulay,” ani Guban. Dagdag pa niya, “kahit papano, napapatunayan natin na sa pamamagitan ng market linkages ni DA, nakakatulong tayo in our small ways na mawala yung vegetable dumping dito sa Vizcaya. Kaya maraming salamat sa DA sa patuloy na pagsuporta sa aming agri-based cooperatives!”

Istorya ni: Paul P. Buenavista