Sa gitna ng matumal na bentahan at pabago-bagong sitwasyon sa merkado ng repolyo, nananatiling matatag at masipag si Ginoong Fernan Segundo, isang magsasaka mula sa Macabenga, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya. Sa pamamagitan ng agarang aksyon ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), matagumpay na naisagawa ang market linkage at logistic support para sa kanya.
Umabot sa 2,240 kilo ng repolyo na nagkakahalaga ng P 22,400.00 ang naipamahagi sa iba’t ibang National Government Agencies, KADIWA partner outlets, at mga Local Government Units sa rehiyon. Malaking tulong ito para kay Tatay Fernan upang maibenta ang kanyang ani sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng mga magsasaka ng repolyo sa Lambak.
“Pumunta sa amin ang DA para matulungang maipagbenta ang tanim ko [repolyo]. Kahit papaano ay naibalik sa kalahati ang gastos ko sa pagtatanim.” Dagdag pa niya: “Gusto kong sabihin sa DA ang aking pasasalamat na kahit malayo pa sila galing Tuguegarao, ay nagpunta pa rin sila sa aming lugar ng dalawang beses para ipagbenta ang aming tanim. Thank you very much DA.”
Ayon pa sa kanya, malaking ginhawa ang naging agarang pagtugon ng DA dahil nabawasan ang kanyang pangamba na masayang ang kanyang pinaghirapang ani. Ipinakita rin nito na sa tulong ng tamang suporta at pagkakaisa, may pag-asa pa ring maitaguyod ng mga magsasaka ang kanilang kabuhayan.
Patuloy namang pinagtitibay ng DA-RFO 02 ang kanilang layunin na masuportahan ang mga magsasaka sa rehiyon sa pamamagitan ng market assistance at iba pang programa na makatutulong sa pagpapalawak ng oportunidad sa pagbebenta ng kanilang produkto.
Ilan lamang si Tatay Fernan Segundo sa mga magsasakang nagpapatuloy na magpursigi sa gitna ng hamon sa merkado ng repolyo. Sa bawat hakbang ng kanilang paa at bitak sa kanilang kamay, nakaukit ang hirap at pagmamahal sa pagtatanim. Sa segundong sila’y makaramdam ng kabiguan pagdating sa presyo ng kanilang ani, bitbit pa rin nila ang pag-asa na may darating na tulong mula sa kinauukulan. Mayroon pa ring pag-asa sa bawat repolyong kanilang naaani, bawat segundo ng sipag at tiyaga, ang DA ay may hatid pa rin sa kanila ng magandang balita.
Istorya ni: Julian Florague
