Umabot na sa kabuuang 155,114 bags ng hybrid rice seeds o katumbas ng 92 porsyento mula sa target na 168,479 bags ang naihatid ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs) sa buong Cagayan Valley bilang bahagi ng pagpapatupad sa MASAGANA Rice Industry Development Program (MRIDP) para sa Wet Season 2026.
Batay sa pinakahuling tala noong Mayo 8, 2026, patuloy na pinapabilis ng ahensya, katuwang ang mga LGUs partikular ang mga Municipal at City Agriculturists, ang distribusyon ng mga binhi upang matiyak ang maagap na paghahanda ng mga magsasaka sa nalalapit na panahon ng taniman.
Bukod sa hybrid rice seeds, kabilang din sa ipinamamahaging agricultural interventions ang wettable powder at liquid fertilizer upang higit na masuportahan ang paglago at produksyon ng palay.
Sa kabuuang alokasyon, pinakamarami ang inilaan sa lalawigan ng Isabela na umabot sa 85,481 bags, sinundan ng Cagayan na may 68,397 bags. Nakalaan naman sa Nueva Vizcaya ang 9,401 bags habang 5,200 bags ang inilaan para sa Quirino. Ayon sa DA RFO 02, ang distribusyong ito ay nakaangkla sa aktwal na pangangailangan ng bawat probinsya upang mapalakas ang produksyon ng palay sa buong rehiyon.
Samantala, inaasahang makikinabang sa programa ang mahigit 1,700 rice clusters sa rehiyon, kabilang ang mga rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at mga miyembro ng Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs).
Hinihikayat ng kagawaran ang lahat ng kwalipikadong magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang City o Municipal Agriculturist Office upang malaman ang schedule ng distribusyon ng binhi sa kani-kanilang bayan.
Upang matiyak ang transparency at monitoring ng delivery at distribution ng mga binhi, maaaring tingnan ang kasalukuyang status sa mga sumusunod na link:
Para sa listahan ng mga FCAs: https://tinyurl.com/RiceHybridSeedsFCAWetSeason26
Para naman sa listahan kada LGUs: https://tinyurl.com/RiceHybridSeedsLGUWetSeason26
Sa pamamagitan ng MRIDP, layunin ng DA RFO 02 na mapaangat ang produksyon ng palay at kita ng mga magsasaka sa tulong ng paggamit ng dekalidad na binhi, at pagbibigay ng agarang at napapanahong pamamahagi ng agricultural interventions sa buong rehiyon.
Istorya ni: Barby Balcita
