CABATUAN, Isabela — Nagsanib-tipon ang mahigit isanglibong magsasaka mula sa iba’t ibang Farmers’ Cooperatives Associations (FCAs) sa Lambak Cagayan sa ginanap na Mungbean Mega Field Day sa Brgy. Culing East, Cabatuan, Isabela nitong Mayo 8, 2026 upang higit pang palakasin ang produksyon ng mungbean sa rehiyon.
Layunin ng aktibidad na mapalawak ang mungbean industry sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga magsasaka ng updated na teknolohiya, mas maayos na pamamaraan sa produksyon, at pinahusay na market linkages upang masiguro ang mas mataas at mas matatag na ani at kita.
Kabilang din sa mga isinagawang aktibidad ang mga teknolohiya at production demonstrations, pagbabahagi ng mga makabagong farming practices, at pagpapakita ng mga intervention para sa post-harvest management at mechanization na makatutulong sa pagpapataas ng kalidad at dami ng produksyon ng mungbean sa rehiyon.
Bukod dito, nagsisilbi rin ang aktibidad bilang bahagi ng suporta sa government thrust tungo sa mungbean sufficiency sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na production capacity at pagharap sa hamon ng pagdepende sa importasyon.
Sa pambansang direksyon para sa pagtaas ng lokal na supply, ibinahagi rin na noong FY 2025, ang Region 02 ay nakapagtala ng 257% regional sufficiency level sa mungbean, na nag-ambag ng 9.9% sa national production, at may kabuuang production area na 15,685 hectares.
Dahil sa matatag na performance ng rehiyon, target naman nitong makapagpalawak pa ng karagdagang 5,500 hectares pagsapit ng 2027 upang higit pang mapalakas ang produksyon at mapanatili ang sustainability ng supply ng pagkain.
Sa pagpapatuloy ng mga programa para sa pag-unlad at pagpapalawak ng mungbean industry sa Region 02, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ay patuloy na ibinibigay ang iba’t ibang interventions para sa produksyon, post-harvest management, at mechanization sa mga farmer beneficiaries.
Ayon sa mga magsasaka, mahalaga ang pagsasagawa ng mga ganitong aktibidad upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga magsasaka hinggil sa makabagong teknolohiya at mga estratehiyang makatutulong sa pagpapataas ng kanilang ani at kita.
Sa kabuuan, inaasahang makatutulong ang Mungbean Field Day sa Brgy. Culing East sa mas epektibong pagpapatupad ng mungbean farming practices sa komunidad, habang isinusulong din ang mas matatag na seguridad sa pagkain at mas maunlad na kabuhayan para sa mga magsasaka at kanilang mga organisasyon.
Istorya ni Dr. Ferdinand N Cortez
