Pormal na binuksan ng Department of Agriculture–Regional Field Office 02 (DA-RFO 02) ang pagdiriwang ng National Farmers and Fisherfolk Month kasabay ng paglulunsad ng Pinggang Pinoy at pagtatalaga kay Regional Agricultural and Fisheries Council Chairperson, Mr. Dante Tobias bilang Farmers Regional Executive Director (FRED) nitong Mayo 4, 2026 sa DA RFO 02 Gymnasium.

Bilang pakikiisa sa selebrasyon, nagsuot ng farmer and fisherfolk attire ang mga kawani ng ahensya bilang pagkilala sa ambag ng sektor sa seguridad sa pagkain ng bansa. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Regional Executive Director, Dr. Rose Mary G. Aquino na higit pa sa pagiging “food producers” ang papel ng mga magsasaka at mangingisda sa lipunan. Anya, nararapat na maging tagapaghatid ang pamilya ng DA ng tunay na inspirasyon, malasakit, kabutihan, pasensya, at science and technology-based interventions upang maramdaman ng mga magsasaka at mangingisda ang presensya ng pamahalaan.

Kasabay nito, pormal ding itinalaga si Mr. Dante Tobias, Regional Agricultural and Fisheries Council Chairperson bilang Farmers Regional Executive Director (FRED), na magsisilbing katuwang ng ahensya sa buong buwan ng Mayo sa pagtiyak na maririnig ang boses ng mga magsasaka at mangingisda at maisasama ang kanilang mga pangangailangan sa mga hakbangin ng kagawaran ng agrikultura. Ayon kay Mr. Tobias, mahalaga ang pagkakaisa upang patuloy na maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka, lalo na ang mga kabilang sa marginalized sectors.

Kasunod nito, inilunsad din sa programa ang Pinggang Pinoy bilang pagsusulong ng wastong nutrisyon at mas malusog na pamumuhay. Tampok rito ang paghahanda ang bawat opisina ng DA RFO 02 ng mga pagkaing naaayon sa Go, Grow, at Glow food groups bilang pagpapakita ng kahalagahan ng balanseng pagkain at suporta sa lokal na produktong agrikultural.

Nilagdaan din ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng Pinggang Pinoy sa mga aktibidad ng ahensya at ng Regional Agricultural and Fisheries Council kabilang ang pagbibigay-prayoridad sa mga lokal na produkto tulad ng catering services. Nagkaroon din ng Pledge and Signing of Commitment to Pinggang Pinoy bilang suporta ng mga empleyado sa pagsusulong ng wastong nutrisyon at pagpapalakas ng lokal na agrikultura.

via Aza-zel T. Erro