Mas pinalapit sa mga magsasaka sa Cagayan ang modernong pagsasaka sa pamamagitan ng isinagawang Drone Information Caravan ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) sa Department of Agriculture – Southern Cagayan Research Center (DA-SCRC) sa Iguig, Cagayan ngayong Abril 23, 2026.
Mula sa tradisyunal na mano-manong pagsasaka, nakilala at nasaksihan ng kabuuang 287 na kalahok na kinabibilangan ng mga magsasaka, kinatawan mula sa LGUs at partner agencies, mga estudyante, at pribadong sektor ang demonstrasyon at information sessions sa paggamit ng Remotely Piloted Aircraft System (RPAS) o agricultural drones. Dito, ipinakita kung paano nito napapabilis ang operasyon sa bukid, nababawasan ang pagod ng magsasaka, at nagiging mas eksakto ang paglalagay ng inputs, na nagreresulta sa mas mataas na ani. Nagkaroon din ng bukas na konsultasyon sa session kung saan naipaliwanag kung paano maa-avail ang drone services, pati na ang mga alituntunin sa paggamit nito.
Sa pangunguna ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 sa pamumuno ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, National Irrigation Administration (NIA), International Rice Research Institute (IRRI), mga lokal na pamahalaan (LGUs), at iba’t ibang pribadong kumpanya sa sektor ng agrikultura, isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng modernisasyon sa pagsasaka.
Ayon kay RED Aquino, mahalaga ang ganitong inisyatibo upang maibsan ang hirap ng mga magsasaka sa bukid. Aniya, sa pamamagitan ng drone technology, nababawasan ang pisikal na pagod, natitipid ang oras, at nagiging mas eksakto ang paglalagay ng inputs. Dagdag pa niya, makatutulong ito upang maiwasan ang pagkalugi at mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Naging posible ang pagsasagawa ng aktibidad sa tulong ng Agridome Solutions Corp, isang lisensyadong drone service provider sa Rehiyon 02, na tumulong sa demonstrasyon at teknikal na aspeto ng paggamit ng agricultural drones.
via Aza-zel T. Erro
