Sa patuloy na pamamahagi ng binhi at abono sa mga magsasaka ng mais na naapektuhan ng tagtuyot sa Lambak ng Cagayan nitong mga nakaraaang buwan, ang Department of Agriculture Region 02 ay puspusan na rin ang distribusyon nito ng kaparehong agricultural inputs sa pamamagitan ng Corn Production Enhancement Project (CPEP) na naglalayong mapataas ang produksyon ng mais upang matugunan ang sapat na suplay ng white at yellow corn, lalo na para sa sektor ng feeds at pagkain.
Sa rehiyon, may 50,118 bags yellow GM hybrid corn seeds ang nakalaan para maipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo na nagkakahalaga sa P300,708,000.00 para sa 25,059 ektarya bilang target area para sa apat (4) na probinsya. Nasa 33,412 bags yellow conventional hybrid corn seeds naman ang ipapamahagi mula sa 16,706 ektarya target area at nagkakahalaga ito ng P133,648,000.00.
Samantala, mabibigyan rin ang mga ito ng inorganic-complete fertilizer (14-14-14) na may alokasyon na 68,378 bags na nagkakahalaga ng P 106,586,258.84.
Ang proyektong ito ay may layuning mapataas ang ani ng mga magsasaka ng hindi bababa sa tatlong porsyento kada taon. Layunin din nitong mapahusay ang kakayahan ng mga magsasaka na makipagsabayan sa merkado at maparami ang suplay ng mais para sa iba’t ibang gamit.
Sa ilalim ng proyekto, bibigyan ng suporta ang mga kwalipikadong magsasaka ng de-kalidad na binhi at pataba. Ang dami ng matatanggap ay nakabatay sa laki ng kanilang taniman upang matiyak ang patas na pamamahagi.
Pinaaalahanan naman ng Kagawaran na ang benepisyaryo na tatanggap ay rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at may sapat na lawak ng lupang sinasaka. Mahigpit ding ipatutupad ang mga alituntunin upang matiyak na maayos na nagagamit ang mga ibinibigay na tulong.
Makikipagtulungan ang iba’t ibang tanggapan ng DA, kasama ang mga lokal na pamahalaan at organisasyon ng mga magsasaka, sa pamamahagi ng mga ayuda, pagbibigay ng teknikal na kaalaman, at pagsubaybay sa implementasyon ng programa.
Ang kasalukuyang kalagayan ng Rehiyon 02 sa pagiimplementa ng proyektong ito ay nasa ibaba:
Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino
Yellow GM hybrid corn seeds
- 18,037 bags (delivered)
- 50,118 bags (target)
Yellow conventional hybrid corn seeds
- 13,367 bags (delivered)
- 33,412 bags (target)
Inorganic fertilizer-complete fertilizer (14-14-14)
- 4,500 bags (delivered)
- 68,378 bags (target)
Makakaasa naman ang mga magsasaka na maidedeliver ito sa kani-kanilang lokal na pamahalaan bago matapos ang buwan ng Abril, ngayong taon.
Inaasahang makatutulong ang nasabing proyekto upang mapalakas ang lokal na produksyon ng mais, mabawasan ang pagdepende sa importasyon, at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.
Istorya ni: Julian Florague
