Buong pusong tinangkilik ng mga estudyante, faculty members, at iba pang mamimili ang Kadiwa ng Repolyo mula Sto. Niño, Cagayan, na sumasalamin sa bunga ng walang sawang pagsisikap ng mga magsasaka sa lalawigan, kasabay ng isinagawang Kadiwa Partnership Launch sa pagitan ng Cagayan State University (CSU) at Department of Agriculture – Regional Field Office No. 2 (DA-RFO 02), na ginanap sa CSU Andrews at Carig Campus noong Abril 13, 2026.
Ang programang ito ay bunga ng pagbisita ni DA Undersecretary for High Value Crops Development Program, Usec. Cheryl Marie Caballero, sa Sto. Niño, Cagayan noong Abril 10, 2026, kung saan personal niyang nakilala ang mga magsasaka ng repolyo at agarang nagpaabot ng tulong sa pamamagitan ng DA-RFO 02, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Sto. Niño.
Sa kanyang pagbisita, binigyang-diin ni Usec. Caballero ang kahalagahan ng pagpapalakas ng ugnayan sa merkado upang matulungan ang mga magsasaka.
“We will try our best to reach out and see how we can use our market linkages to be able to be a blessing to others.”
Bahagi rin ito ng pagpapakita ng suporta at inisyatibo ng Cagayan State University sa pangunguna ni OIC-University President Dr. Arthur G. Ibañez, na inaasahang higit pang palalawakin ang programang ito sa iba’t ibang kampus ng CSU sa mga susunod na panahon upang mas maraming magsasaka ang mabigyan ng oportunidad na mapataas ang kanilang kita.
Buong pasasalamat ding ipinahayag ni Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino sa pamunuan ng CSU para sa kanilang pakikiisa at malasakit sa mga magsasaka.
“I’m very thankful to CSU because you feel what we feel in the Department of Agriculture. You also have this huge concern for our farmers. I really appreciate the undertaking that we are doing right now”
Samantala, matagumpay ding naisagawa ang Kadiwa sa CSU Andrews at Carig Campus. Sa Andrews Campus, tinatayang nasa 4,700 kilo ng repolyo ang naibenta na may kabuuang halaga na ₱47,000, habang sa Carig Campus naman ay umabot sa 3,300 kilo na may halagang ₱33,000.
Inaasahan na ito pa lamang ang simula ng mas pinaigting na pagtutulungan ng mga nabanggit na institusyon upang mapalawak pa ang programa sa iba’t ibang kampus ng CSU at mas marami pang magsasaka ang mabigyan ng oportunidad na direktang maihatid ang kanilang ani mula bukid hanggang sa pamilihan, isang hakbang tungo sa mas matatag na kabuhayan para sa mga magsasaka sa rehiyon.
Istorya ni: Castle Castillo
