Agarang tulong at konkretong aksyon ang ipinatupad ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng pinaigting na market linkage at food mobilization upang matiyak na maipagbibili ng mga magsasaka ang kanilang ani, maprotektahan ang kanilang kita, at mapanatili ang matatag at tuluy-tuloy na kabuhayan sa gitna ng hamon sa presyo at suplay ng kamatis sa Lambak ng Cagayan. Kung saan, matagumpay na hinakot at naipamahagi ang kabuuang 2,625 kilo ng kamatis mula sa mga lokal na magsasaka sa rehiyon.
Sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), katuwang ang Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES), direktang hinakot ang 1,625 kilo ng kamatis mula sa mga magsasaka sa Bone North, Aritao, Nueva Vizcaya. Bahagi ito ng direktiba ng Regional Executive Director na hinihikayat ang mga kawani ng DA na bumili ng hindi bababa sa ₱100 halaga ng kamatis upang mapalakas ang lokal na demand at makapagbigay ng agarang tulong sa mga nagtatanim ng kamatis.
Kasunod nito, karagdagang 1,000 kilo ng kamatis mula sa Roxas, Isabela ang naipamahagi sa Cabagan GIFTS Agriculture Cooperative, mga KADIWA stores, at mga National Government Agencies sa Tuguegarao City, Cagayan. Sa pamamagitan ng maayos na ugnayan ng produksyon at merkado, naitawid ang mga ani mula sa bukid patungo sa mga mamimili.
Isa sa mga nagging benepisyaryo sa inisyatibong ito si Reynaldo Lor, magsasaka at miyembro ng Bone South and North CIS Irrigation Association sa Aritao, Nueva Vizcaya. Ayon sa kanya, malaking ginhawa ang pagdating ng DA upang direktang kuhain ang kanilang mga kamatis sa gitna ng mababang presyo at hirap sa pagbebenta. Umaasa rin siyang magpapatuloy ang ganitong suporta upang hindi na sila labis pang mahirapan sa pagdadala ng kanilang produkto sa pamilihan.
Ipinapakita ng hakbang na ito na hindi pinababayaan ng pamahalaan ang mga magsasaka sa panahon ng hamon sa merkado. Sa pamamagitan ng agarang food mobilization at mas pinaigting na market linkage, patuloy na pinatitibay ng DA RFO 02 ang ugnayan ng produksyon, distribusyon at tinitiyak na may kita ang magsasaka at may sapat na suplay ang mamamayan.
