Muling umarangkada ang mga KADIWA trucks ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at sa tulong ng mga KADIWA ng DA Research Center and Experiment Stations (RCES) sa pagpapatupad ng pinaigting na market linkage at food mobilization upang tulungan ang mga magsasaka mula sa Nueva Vizcaya na maipagbili ang kanilang mga ani.

Umabot sa kabuuang 5,386 kilo ng kombinasyon ng lowland at highland vegetables ang direktang hinakot at naipamahagi, kabilang ang kamatis, sibuyas, repolyo, wombok, at sayote. Ang mga nasabing ani ay nagmula sa iba’t ibang munisipalidad ng Kayapa, Villaverde, Bayombong, at Aritao sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Agad na naihatid ang mga gulay sa mga vegetable processors, kooperatiba, KADIWA stores, at mga National Government Agencies sa Tuguegarao City, Cagayan. Sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon mula produksyon hanggang merkado, matagumpay na naitawid ang mga ani mula sa bukid patungo sa mga mamimili, na nagbigay ng agarang kita sa mga nagtatanim at nagpatatag sa suplay ng pagkain sa rehiyon.

Naging bahagi rin ng inisyatiba ang pagtanggap ng mga pre-order sa pamamagitan ng social media account ng tanggapan, na nagsilbing tulay upang mas mapalawak ang abot ng merkado at mapadali ang pag-uugnayan ng mga mamimili at magsasaka.

Ayon sa mga benepisyaryong magsasaka, malaking tulong ang isinagawang hakbang sapagkat hindi na nila kailangang maglaan pa ng dagdag na gastusin para sa marketing at transportasyon, lalo na’t mula sa malalayong at bulubunduking lugar ang kanilang pinanggagalingan.

Ipinapakita ng patuloy na food mobilization at mas pinaigting na market linkage ng DA RFO 02 ang matatag na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura. Sa pamamagitan ng konkretong aksyon, tinitiyak na may maayos na daluyan ang mga ani ng magsasaka, may sapat na kita ang mga prodyuser, at may tuluy-tuloy na suplay ng sariwang gulay para sa mamamayan ng Lambak ng Cagayan.

Istorya ni: Paul Buenavista
Kuhang litrato ng: DA-AMAD staff