Upang linawin at tugunan ang isyu ng napaulat na tomato dumping sa Nueva Vizcaya, partikular sa bayan ng Bayombong, nakipagdayalogo ang Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa Provincial Government ng Nueva Vizcaya at sa pamunuan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang, Nueva Vizcaya noong ika-25 ng Pebrero 2026.
Bagama’t patuloy pa ang pagtukoy sa mga responsable sa insidente, agad namang nagsagawa ng masinsinang pag-uusap at naglatag ng mga konkretong hakbang upang maresolba ang hamon ng mataas na produksyon at mababang farmgate price ng kamatis alinsunod sa layunin ng Sagip Saka Act o Republic Act 11321, na naglalayong palakasin ang direktang ugnayan ng mga magsasaka at mga institutional buyers.
Ayon kay Mr. Julio Basilan, Agricultural Production, Sales and Marketing Officer ng NVAT, hindi naman umano sobra ang supply ng kamatis sa probinsya. Gayunpaman, nabawasan ang pag-aangkat mula sa ibang lugar dahil kasalukuyang anihan sa mga probinsya ng Ilocos Norte, Pangasinan, Nueva Ecija at iba pang bahagi ng Central Luzon.
Ayon sa ulat, mas pinipili ng mga trader ang mga half-ripe at malalaking variety ng kamatis tulad ng Avatar, na siyang libreng ipinamamahagi ng DA RFO 02 sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP).
Ipinaliwanag din ni HVCDP Regional Focal Person Ms. Carol Albay na ang priming o sunod-sunod na anihan ng kamatis ay nagkakaiba depende sa lokasyon. Sa mataas na lugar, ang priming o pag-aani ay maaaring umabot hanggang ika-18 batch. Sa mababang lugar, karaniwan itong umaabot lamang hanggang ika-8 batch.
Sa pangkalahatan, kapag maganda ang presyo hanggang ika-5 priming, nakabawi na sa puhunan at kumikita na ang mga magsasaka. Gayunpaman, sa kasalukuyan ay lumalagpas pa sa karaniwang bilang ng priming ang produksyon, dahilan upang mas dumami ang supply at makaapekto sa presyo sa merkado. Kasabay pa nito ang anihan sa mga probinsya ng Ilocos Norte, Pangasinan, Nueva Ecija at iba pang bahagi ng Central Luzon, na nagresulta sa mas mataas na volume ng kamatis sa mga trading posts.
Upang masiguro na hindi masasayang ang ani at mapanatili ang halaga nito sa merkado, naglatag si DA RFO 02 Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng mga sumusunod na hakbang:
-Direct government purchasing at institutional buying, kasama ang suporta ng mga local government units at Kadiwa network, upang mabili ng gobyerno ang produkto ng mga magsasaka kahit mataas ang ani, at maipamahagi ang kamatis sa nakatalagang Kadiwa outlets para sa mas malawak na access sa mga pamilihan.
-Pagpapatibay ng mga polisiya tulad ng Healthy Public Food Procurement Policy ng Nueva Vizcaya upang unahin ang paggamit ng lokal na produkto sa pampublikong institusyon at maiwasan ang pagtatapon ng ani.
-Pakikipag-ugnayan sa mga kooperatiba sa tulong ng DA-AMAD at DTI para sa pagproseso ng vine-ripe tomatoes o mga kamatis na hinog sa sanga upang maging tomato juice, sauce, at iba pang processed products.
-Pagsasagawa ng Luzon Quarterly Meeting kasama ang mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Bicol Region upang ma-harmonize ang production planning, market intelligence, at iskedyul ng pagtatanim at pag-aani, at maiwasan ang sabayang oversupply sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Kasama rin sa dayalogo sina NVAT Chairman Gilbert Cumila, Provincial Agriculturist Absalom Rizal Baysa, Board Member Wilson Salas, representatives mula sa Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang opisyal mula sa DA RFO 02 at provincial local government unit.
Samantala, personal na pinuntahan ng grupo mula sa DA RFO 02 sa pangunguna ni RED Aquino ang Aritao Agricultural Trading Post at nakipagdayalogo kay Mayor Remelina Peros, ng Aritao, para sa mas epektibong paggamit ng Aritao Agricultural Trading Post bilang karagdagang buying station ngayong peak season. Bukas ang lokal na pamahalaan sa direktang pagbili ng produkto ng mga magsasaka, anuman ang dami nito, bilang bahagi ng government purchasing initiatives.
Sa pamamagitan ng maagap at koordinadong aksyon, ang mga hakbang na ito ay nakaangkla sa layunin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pigilan ang “freefalling” farmgate prices tuwing peak harvest hindi lamang sa pamamagitan ng agarang pagtugon sa oversupply, kundi sa pagpapatibay ng mga sistemang magpoprotekta sa ani at kabuhayan ng mga magsasaka.
Istorya mula kay Barby Balcita