Isang makabagong Rice Processing Facility ang pormal nang pinasinayaan noong February 18, 2026 sa Barangay Alinunu, Abulug, Cagayan na inaasahang magpapataas ng kalidad ng ani at kita ng 525 magsasakang kasapi ng Pagsanggiran Ti Mannalon Multi-Purpose Cooperative.
May kabuuang halagang P118,399,570.38 ang proyekto na pinagsamang pondo mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 02 Rice Program (P41,580,135.95), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech (P63,810,000.00), at Lokal na Pamahalaan ng Abulug (P13,009,434.43).
Dumalo sa aktibidad si Cagayan Governor Edgar Aglipay na hinikayat ang mga benepisyaryo na pangalagaan at paandarin ang pasilidad araw-araw.
“Nandito na po ang bigay sa atin ng pamahalaan. Suklian din natin ito sa pamamagitan ng tamang pamamahala at siguraduhing mapapaandar araw-araw hindi lamang upang tumaas ang rice production ng bansa kundi upang laging may pera sa bulsa,” ani Aglipay.
Ipinahayag naman ni DA RFO 02 Regional Executive Director Rose Mary Aquino ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga kooperatiba.
“Sa pamamagitan ng modernong pasilidad, inaasahang mas gaganda ang kalidad ng palay at bigas, tataas ang halaga nito sa merkado, at higit na magiging kompetitibo ang mga magsasaka,” aniya.
Kasama rin sa aktibidad si Abulug Mayor Marie Angelie Vargas, na nagpasalamat sa tulong ng pamahalaan at binigyang-diin na ang Rice Processing Facility ay malaking hakbang upang mas mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan.
Samantala, nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si G. Dennis Mappala, Chairman ng kooperatiba.
“Hindi na po masisira ang aming mga palay. Mas gaganda ang quality dahil maganda ang mga kagamitang ipinagkaloob sa amin. Mas marami pa kaming matutulungang magsasaka dahil dito,” wika ni Mappala.
Sa pagtatayo ng Rice Processing Facility, hindi lamang produksyon ang pinapalakas kundi ang kabuhayan ng mga magsasaka tungo sa mas maunlad at mas mapagkakakitaang sektor ng agrikultura sa Cagayan.
Istorya ni: Barby Balcita
