NAKAPAGTALA ng mahigit ₱100,000 kabuuang benta mula sa 890 kilos na bolyum ng assorted commodities ang Villaverde Development Cooperative (VILDECO) ng Villaverde, Nueva Vizcaya at Pentur Farmers Agriculture Cooperative sa idinaos na KADIWA ng Pangulo (Pop-Up at On-Wheels) noong Pebrero 9 hanggang 10 sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa lungsod ng Tuguegarao.

Bukod sa dalawang kooperatiba, aktibong lumahok sa aktibidad ang mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development Region 02 sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), gayundin ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na katuwang ng Department of Trade and Industry Region 02 sa pagbebenta at promosyon ng lokal na produkto.

Isinagawa ang KADIWA ng Pangulo sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa Tuguegarao City kabilang ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 Gymnasium sa San Gabriel, ang Integrated Laboratory Division ng DA RFO 02 sa Carig, Commission on Higher Education Region 02, Bureau of Jail Management and Penology Region 02, Department of Labor and Employment Region 02, Department of Trade and Industry Region 02, Philippine National Police mula sa Police Regional Office 02 – Camp Marcelo A. Adduru, PNP–Cagayan Police Provincial Office sa Camp Tirso H. Gador, at Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau Region 02.

Tampok sa aktibidad ang sari-saring highland at lowland vegetables, prutas, poultry at fish products, gayundin ang mga meryenda at locally processed food items na direktang inihatid ng mga lokal na magsasaka, mangingisda, at micro-entrepreneurs.

Ikinatuwa naman ng mga nagbenta ang kanilang paglahok sa KADIWA ng Pangulo hindi lamang dahil sa dagdag-kita kundi pati na rin sa pagkakataong makabuo ng mga suki at mas makilala ang kanilang mga produkto.

Ipinapakita ng nasabing aktibidad ang sama-samang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapalawak ang merkado ng lokal na produkto, mapalakas ang kita ng sektor ng agrikultura at pangisdaan, at mapalapit sa mga mamamayan ang abot-kayang pangunahing bilihin.

Istorya ni: Paul Buenavista