Isinasagawa ngayong Pebrero 9, 2026 ang KADIWA Pop-Up Store at KADIWA On-Wheels sa DA–RFO 02 Gymnasium, San Gabriel, na pinangungunahan ng VILDECO Multi-Purpose Cooperative mula sa Villaverde, Nueva Vizcaya at Pentur Farmers Agriculture Cooperative na mula naman sa Peñablanca, Cagayan.

Layunin ng aktibidad na maghatid ng abot-kaya at de-kalidad na agri-products direkta mula sa mga magsasaka at mangingisda patungo sa mga mamimili, lalo na ngayong Buwan ng mga Puso.

Bukod sa VILDECO, lumahok din sa aktibidad ang mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development Region 02 (DSWD) at mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) ng Department of Trade and Industry Region 02 (DTI) bilang mga katuwang sa pagbebenta at promosyon ng lokal na produkto.

Kasabay ng pop-up store, nagsagawa rin ng KADIWA On-Wheels na bumisita sa Police Regional Office 02 – Camp Marcelo A. Adduru at sa PNP–Cagayan Police Provincial Office sa Camp Tirso H. Gador.

Tampok sa KADIWA ng Pangulo ang iba’t ibang highland at lowland vegetables, poultry at fish products, gayundin ang mga meryenda at processed food items mula sa lokal na mga magsasaka, mangingisda, at micro-entrepreneurs.

Ipinapakita ng aktibidad ang sama-samang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapalawak ang merkado ng mga lokal na produkto, mapalakas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda, at gawing mas madaling maabot ng mga komunidad ang pangunahing bilihin.

Istorya ni: Paul Buenavista