Binigyang-diin ni Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA RFO 02) Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino ang kahalagahan ng may pusong paglilingkod at malasakit sa mga magsasaka at mangingisda sa convocation ng mga kawani ng ahensya noong Pebrero 9, 2026, sa DA RFO 02 Gymnasium. Ayon kay RED Aquino, ang pagmamahal at malasakit sa sektor ng agrikultura at pangisdaan ay hindi lamang dapat iparamdam tuwing Valentine’s Day o sa buwan ng Pebrero, kundi araw-araw.
“We need to remember yung pagod, hirap, passion, dedication, and even yung mental, physical, and emotional investment ng ating mga magsasaka to produce the food we eat every day,” aniya.
Ipinaalala din ng Regional Director ang direktiba ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. hinggil sa maayos at magalang na pakikitungo sa kliyente. Dagdag pa niya, mahalagang iangat ang antas ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng makataong paglilingkod.
“Wala kang karapatang manilbihan sa Department of Agriculture and the government in general without engaging your heart in all the implementation of our PAPs and in our direct communication with our stakeholders, especially our farmers and fisherfolk.”
Ibinahagi rin ni RED Aquino ang mga natamong tagumpay ng DA RFO 02, kabilang ang pagkilala bilang Top 2 Performing Region sa implementasyon ng Rice and Corn Program at ang CSC National PAGASA Award. Ayon sa kanya, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng ahensya ay nagmumula mismo sa pagpapahalaga ng mga magsasaka at mangingisda. Samantala, tinapos ni RED Aquino ang kanyang mensahe sa isang paalala na hango sa isang kasabihan, “To light others, you must be willing to melt,” na naglalarawan sa pusong handang magsakripisyo para sa makabuluhang serbisyo publiko.
Istorya: Barby Balcita
