Muling iniangat ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) ang dangal ng Lambak ng Cagayan sa pambansang entablado matapos kilalanin ang Team TalaSaka bilang National Awardee sa Pagpupugay 2025: Parangal sa mga Lingkod Bayani, na ginanap sa Malacañang Palace noong 28 Enero 2026.

 

Ang pagkilalang ito ay nagmarka ng ikatlong sunod-sunod na taon ng pambansang parangal para sa DA RFO 02, isang patunay ng tuloy-tuloy na kahusayan ng ahensya sa pagpapakita ng puso sa serbisyo, dangal sa tungkulin, at galing sa paglilingkod.

 

Sa makasaysayang pagkilala, pinarangalan ang Team TalaSaka na binubuo nina: Bernadette T. Galoso, Project Evaluation Officer IV; Jonazon Jeff T. Factora, Planning Officer III; Bryan Jaquine J. Rasalan, Information System Analyst II; at Cristelle Joy B. Datul, Information System Analyst I. Ang kanilang inobasyon sa teknolohiya at epektibong paggamit nito upang mapabilis ang akses sa agricultural data—na mahalaga sa pagdedesisyon at sa pagpapabuti ng mga programa, ang nagbigay-daan sa kanilang pagkakamit ng grupong parangal sa Pag-asa Award Category.

 

Ang paggawad ng parangal ay pinangunahan ni Acting Executive Secretary Mr. Ralph G. Recto, katuwang ang CSC Chairperson Atty. Marilyn B. Yap at ang mga CSC Commissioners na sina Atty. Ryan Alvin R. Acosta at Atty. Luis Meinrado C. Pañgulayan.

Storya: Aza-zel T. Erro