DIADI, NUEVA VIZCAYA — Pormal na ipinamahagi ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA RFO 2) ang kabuuang 200 ulo ng mga baboy sa mga magsasaka sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya noong ika-27 ng Enero, 2026.
Ang nasabing inisyatibo, na may kabuuang halaga na 10 milyong piso, ay isinagawa sa ilalim ng modified Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program ng DA RFO 2.
Layunin ng pamamahaging ito na muling mapalakas ang lokal na industriya ng pagbababoy at magkaloob ng matatag na kabuhayan sa mga benepisyaryong magsasaka sa rehiyon.
Nagpahayag si Dr. Judith Tattao, kinatawan ng DA RFO 2 at hepe ng Livestock Program, na inaasahan ng ahensiya na aalagaan ng maayos ng mga magsasaka ang mga baboy na kanilang natanggap upang mapalakas ang pagbababoy sa kanilang bayan.
“Namnamaenmi a taripatuenyo a naimbag dagitoy a baboy ” ani Dr. Tattao
Ang modified INSPIRE program ay bahagi ng estratehikong hakbang ng kagawaran upang matiyak ang seguridad sa pagkain at sapat na suplay ng karne sa harap ng mga hamon sa sektor ng agrikultura.
Sa mensahe naman ni Mayor Sandy Gayaton, mariin niyang pinasalamatan ang DA RFO 2 sa tulong na natanggap ng mga magsasaka sa kanyang bayang nasasakupan.
“Dakkel unay ti panagyamanmi iti DA RFO 2 ta dakami ti maisa a napili a benepisyaryo daytoy a tulong. Iti nagan ti LGU Diadi, mangnamnamakayo a suportaanmi dagiti tulong nga aggappu iti DA” saad ni Gayaton.
Bukod sa mga alagang hayop, ang mga magsasaka ay inaasahan ding makatatanggap ng suportang teknikal mula sa DA RFO 2 upang masiguro ang tagumpay at paglago ng kanilang mga sisimulang proyekto sa pagbababoy.
Kwento ni Mr. Manases A. Lacambra
