Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bambanti Festival 2026 at bilang suporta sa adbokasiya ng Bagong Pilipinas, pinarangalan ang sampung natatanging magsasaka ng palay sa ginanap na Outstanding Rice Farmer Heroes Awarding Ceremony noong ika-24 ng Enero, 2026 sa Isabela Sports Complex, Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Ang aktibidad ay nagbigay-diin sa matibay na ugnayan ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02), Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, at mga lokal na pamahalaan sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang naglalayong palakasin ang produksyon ng palay at tiyakin ang seguridad sa pagkain sa lalawigan.
Ang mga ginawaran bilang Outstanding Rice Farmer Heroes ay sina Federico Mercado ng Cordon; Hernando Hipolito at Romeo Manalo ng Alicia; Alvin Eugenio, Morison Aningat, Daniel Mariano, at Mark Casalda ng Cauayan City; Rey Simon ng Aurora; Julius Kimmayong ng Quezon; at Danilo Elefante Jr. ng Mallig, Isabela. Kinilala ang kanilang dedikasyon, kasipagan, at mahalagang ambag sa pagpapaunlad ng rice industry ng Isabela.
Dinaluhan ang awarding ceremony ng mga pangunahing opisyal ng pamahalaan, kabilang sina Vice-Governor Francis Faustino Dy, DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary Aquino kasama si Field Operations Division Chief Dr. Marvin Luis at iba pang kawani ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng mga opisyal na ang patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Isabela ay bunga ng pinagsama-samang pagsisikap ng gobyerno sa pagbibigay ng teknikal na suporta, makabagong teknolohiya, at mga serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka.
Istorya ni: Barby Balcita
