Umabot ng mahigit ₱600, 000 ang kabuuang benta ang Runruno Community Multipurpose Cooperative (MPC) mula sa Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya matapos makapagbenta ng 4,700 kilo ng green lemon sa institutional buyer na Forturo Foods Manufacturing sa Peñaranda, Nueva Ecija noong Enero 12 at 14, 2026.
Ang green lemon ay binili ng kooperatiba mula sa kanilang mga farmer-members sa farmgate price na ₱112 hanggang ₱118 kada kilo at ibinenta sa halagang ₱135 kada kilo sa pamamagitan ng market linkage activity sa Forturo Foods Manufacturing, isang kumpanyang nakatuon sa paglikha ng de-kalidad na food solutions gamit ang makabagong spray-drying technology.
Ayon sa Runruno Community MPC, kabilang ang green lemon sa mga produktong may malinaw na market opportunities na nagbibigay ng mas maaasahang pamilihan at karagdagang kita para sa kanilang mga farmer-member.
Isinagawa ang naturang market linkage bilang bahagi ng programang pinangungunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga magsasaka at agri-based enterprises sa mga institutional buyers at consumer markets, alinsunod sa estratehiya ng pambansang pamahalaan.
Istorya ni: Paul Buenavista
