Mas lalo pang pinalalakas ang rice value chain sa Cagayan Valley sa pamamagitan ng itatayong kauna-unahang Rice Processing Center (RPC) III sa Barangay Lakambini, Tuao, Cagayan. Ang proyektong nagkakahalaga ng P185,326,117.73 ay inaasahang magpapataas ng kita ng mga magsasaka, magbabawas ng postharvest losses, at magbibigay ng mas mataas na kalidad ng bigas sa merkado.
Sa pangunguna ng Local Government Unit (LGU) ng Tuao, katuwang ang Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA RFO 02) at ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), ang RPC III ay may kakayahang magproseso ng hanggang 12 metriko tonelada ng palay kada oras. Ilalabas nito ang premium at second-class milled rice, pati na rin ang mga by-products gaya ng rice bran, rice hull, at ipa.
Ang pasilidad ay may dalawang mechanical dryers, silo, at storage warehouses na kayang mag-imbak ng libo-libong sako ng bigas, na makatutulong sa pagpapanatili ng kalidad at sapat na suplay lalo na sa panahon ng anihan.
Sa detalye ng pondo, ang PhilMech ay naglaan ng P64.7 milyon, na kinabibilangan ng isang rice mill (P53.5 milyon), dalawang 12-ton recirculating dryers (P8 milyon), at isang 6-ton recirculating dryer (P3.2 milyon). Samantala, ang DA-RFO 02 ay naglaan ng P78,320,229.64, kung saan P55 milyon ay ilalaan sa taong 2026 sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), habang ang natitirang pondo ay nakalaan para sa mga susunod na taon. Ang LGU Tuao naman ay naglaan ng P42,305,888.09 bilang counterpart.
Aabot sa 725 ektarya ng palayan ang direktang mapapakinabangan ng proyekto, na may tinatayang 3,600 metriko tonelada ng palay na mapoproseso kada taon. Halos 4,500 magsasaka mula sa Tuao at mga kalapit na bayan ang inaasahang makinabang. Magsisilbi rin ang RPC III bilang pangunahing postharvest hub para sa mga magsasaka, wholesalers, at retailers sa Tuao at karatig-lugar, kabilang ang Tuguegarao City. Layunin nitong mabawasan ang postharvest losses mula 5.8% hanggang 1% at mapalawak ang access ng mga magsasaka sa premium rice market.
Isinagawa ang groundbreaking ng proyekto noong Enero 21, 2026, na dinaluhan nina Cagayan Governor Edgar Aglipay, Vice Governor Manuel Mamba, Mayor William Mamba, mga magsasaka, at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Mayor William Mamba ang kahalagahan ng maayos na postharvest services at ang malaking epekto nito sa kabuhayan ng mga taga Tuao. Ayon sa kanya, sa pagkakaroon ng pasilidad, hindi na kakailanganin sa hinaharap ang pansamantalang ayuda dahil magkakaroon na ng mas maayos at direktang suporta para sa mga magsasaka.
Binanggit naman ni Vice Governor Manuel Mamba ang mahalagang papel ng mga lingkod-bayan bilang inspirasyon ng komunidad at ang pangangailangan ng mga tunay na bayani upang maisulong ang makabuluhang pagbabago. Samantala, nagpasalamat si Governor Edgar Aglipay sa DA at nanawagan ng pagkakaisa sa pagpapatupad ng iba pang programang magpapalakas sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay DA RFO 02 Regional Executive Director Rose Mary Aquino, matagal nang pinagplanuhan at isinulong ang proyekto sa pakikipagtulungan sa LGU Tuao.
“Bilang tugon sa mga pangunahing estratehiya at inisyatiba ng Department of Agriculture, at sa layunin ng Bagong Pilipinas na iangat ang kabuhayan at kita ng mga magsasaka, nagbunga na ang aming pinagsamang pagsusumikap. Ito ay paunang biyaya pa lamang, marami pa pong susunod,” ani Aquino.
Naniniwala ang Kagawaran na ang RPC III ay magdudulot ng malaking kaginhawaan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagtutulungan at pagkakaisa ng LGU Tuao, mga katuwang na ahensya, at mga samahan ng magsasaka.
