Magsisimula ang pagtatayo ng hybrid modular cold storage para sa produktong gulay at iba pang produktong agrikultura na pinondohan ng Department of Agriculture (DA) sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela.

Aabot sa P12,868,561.03 ang halaga ng proyekto na maglalaman ng 40-ft container van, solar at wind power system, at generator set. Layunin ng proyekto na magbigay ng storage space sa mga magsasaka at vendor sa pamamagitan ng rental system na may mababang service fee, na makatutulong upang mapanatili ang kalidad ng kanilang produkto at mabawasan ang post-harvest losses mula 17% hanggang 8%.

Sa mensahe ni Reina Mercedes Mayor Attorney Maria Lourdes P. Respicio-Saguban sa ginanap na groundbreaking ceremony and MOA signing ng cold storage facility: “Ang DA, hindi po umiimik pero ang daming bumababang mga makinarya at gamit pang farmers. Tahimik po kayong sumusuporta at nagsusulong para sa ating mga farmers in the agricultural sector.

Powered by solar, wind and diesel generator, you can see, that is technology now. We don’t rely on the traditional resources.”

Ang cold storage ay may kapasidad na maka-imbak ng 370 crates ng mixed vegetables o may katumbas na 7.5-10 tons ng iba pang produkto. Matatagpuan ito malapit sa Public Market at Bagsakan Center, kaya madaling ma-access para sa araw-araw na bentahan.

Samantala, pinuri naman ni DA Assistant Secretary for Logistics Daniel Alfonso N. Atayde ang bayan dahil sa inisyatiba nitong magpatayo ng food hub katulad ng ilang bayan ngayon sa probinsya ng Isabela o na maituturing na isang “spoke food hub” na maaaring maikonekta sa “mega food hub.”

“A spoke hub will connect to the mega food hub. It’s a logistics that connects, and transport will be the only key factor na pwedeng mai-konekta [ang mga produkto ay mai-promote at turismo].”

Ayon naman kay DA Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, ang pasilidad na ito ay palalakasin pa ang agrikultura sa Reina Mercedes at may hamon sa nasabing bayan na magkaroon ng isang produkto na kikilalanin ng publiko sa kanilang lugar.

Gamit ang renewable energy, inaasahang magiging mas mura at environment-friendly ang operasyon ng nasabing pasilidad.

Ang proyekto ay may layunin na palakasin ang food security sa bansa at suportahan ang mga inisyatiba ng RA 8435 para sa mas maayos na agrikultura, pangisdaan at logistics system sa bansa.

Istorya: Julian Florague