Konstruksyon ng proyektong corn processing complex phase 1 na nagkakahalaga ng P224,750,000 Milyon sa Cauayan City, Isabela, sisimulan na ngayong taong 2026. Ang groundbreaking ceremony ay ginanap kaninang umaga katuwang ang ilang opisyales ng Department of Agriculture, lokal na pamahalaan, at miyembro ng Villa Luna Multi-Purpose Cooperative.

Ang groundbreaking ceremony ay ginanap ngayong umaga, kung saan dumalo ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng Villa Luna Multi-Purpose Cooperative (MPC).

Ang proyektong nagkakahalaga ng P224.75 milyon ay idinisenyo upang bawasan ang malalaking post-harvest losses na dulot ng tradisyonal na sun-drying methods na labis na nakadepende sa panahon. Pinalalala pa ito ng kakulangan ng modernong, climate-resilient na storage facilities, na nagdudulot ng pagkasira ng butil at pagbaba ng market value.

Saklaw ng proyekto ang 1,125 ektaryang lupang pansakahan kada cropping season, na makikinabang sa 796 na magsasaka mula sa kooperatiba. Sisiguraduhin ng pasilidad ang tuloy-tuloy at ligtas na suplay ng mais na pasok sa pamantayan ng merkado.

Pamamahalaan ng Villa Luna MPC ang operasyon nito, kabilang ang pagbili ng ani, pagbibigay ng mechanical drying services, at pagbebenta ng napatuyong mais sa mga institusyunal buyers sa loob at labas ng rehiyon.

“Nagpapasalamat kami sa DA dahil sa malaking tulong ito sa mga magsasaka lalong- lalo na sa panahon ng tag-ulan dahil maraming mais ang nasisira. Alam naman namin na palaging nakaagapay ang Department of Agriculture sa aming kooperatiba. Maraming maraming salamat Secretary Tiu,” pasasalamat ni Chairman Edgar De Luna ng Villa Luna Cooperative.

Tinatansyang 8,640 metriko tonelada kada anihan o 17,280 metriko tonelada kada taon, may storage capacity na 57,553 bags o 2,900 metriko tonelada, at karagdagang 1,000 metriko tonelada para sa grain storage.

“This corn complex facility is a very productive and could help our farmers in the country. The DA Sec. Franciso Tiu Laurel is in full support with the Department of Agriculture to help our farmers improve lives and productivity,” ani DA Assistant Secretary for Logistics Daniel Alfonso N. Atayde.

Ayon naman kay DA RFO 02 Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino, “Ang commitment ng ating presidente at secretary sa ating mga magsasaka especially corn farmers, ay improved or modernized post-harvest facilities. Ang kalidad ng mais na dapat na ipoprodyus ninyo ay dapat ‘aflatoxin free’ na mainam para sa ipapatayong food hub malapit sa pagtatayuan nitong corn processing complex. Dahil kung kalidad ng mais ang mapoprodyus, magandang kalidad din ng karneng baboy at itlog ng manok ang mapoprodyus, na gagarantiya sa kalidad at ligtas na pagkain na pangunahing requirements sa food hub.”

Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang mababawasan ang pagkasira ng ani, tataas ang kalidad ng butil, at masisiguro ang tuloy-tuloy na kita para sa mga magsasaka ng Cauayan at kalapit na munisipalidad.

Istorya ni: Julian Florague