Umabot sa mahigit ₱93,000 ang kabuuang benta ng Runruno Community Multi-Purpose Cooperative (MPC) mula sa Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya sa dalawang araw na KADIWA ng Pangulo retail selling (Pop-up Store at On-Wheels) na isinagawa noong Enero 19 at 20, 2026, sa lungsod na ito.

Batay sa datos, nakapagbenta ang kooperatiba ng assorted agri-commodities na may kabuuang 816 kilo, na direktang nagmula sa mga farmer-members ng kooperatiba at ipinagbili sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa Tuguegarao City.

Ayon kay Ms. Gaulourd O. Umoltog, chairperson ng Runruno Community MPC,  “Maayos naman ang naging takbo ng pagbebenta namin. Malaki ang naitulong ng KADIWA dahil natutulungan naming maibenta ang produkto ng aming mga miyembro. Natutunan din ng kooperatiba kung paano makipagnegosasyon sa iba’t ibang kliyente at magtakda ng angkop na mark-up. Plano naming palawakin pa ang aming pakikilahok sa KADIWA,” pahayag ni Umoltog.

Tinangkilik ang aktibidad ng mga kawani ng pamahalaan, kliyente ng mga ahensiya, at iba pang mamamayan, bilang bahagi ng layunin ng KADIWA ng Pangulo na palakasin ang ugnayan ng mga prodyuser at konsyumer sa pamamagitan ng direktang pagbebenta ng abot-kayang produktong agrikultural.

Isinagawa ang KADIWA retail selling (Pop-up Store at On-Wheels) sa unang araw sa Philippine National Police–Cagayan Police Provincial Office sa Camp Tirso H. Gador, Metropolitan Tuguegarao Water District sa Main Avenue, San Gabriel, at Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 sa San Gabriel, Tuguegarao City.

Sa ikalawang araw naman, Enero 20, 2026, ay nagpatuloy ang KADIWA sa iba pang tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang Department of Trade and Industry Region 2, Department of Labor and Employment Region 2, The Environmental Management Bureau Region 2 at Bureau of Jail Management and Penology Region 2.

Layunin ng KADIWA ng Pangulo na mabigyan ng direktang pamilihan ang mga lokal na magsasaka at food processors, habang inilalapit sa publiko ang mga produktong agrikultural sa mas abot-kayang presyo.

Istorya ni: Paul Buenavista