Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02), sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP), ang pulong sa Alfonso Castañeda bilang paghahanda sa National Field Day ng White Fields Revolution Project sa Abril 15-17, 2026. Layunin ng pulong na suriin ang kahandaan ng mga pasilidad at tiyakin ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng DA-RFO 02, Alfonso Castañeda Vegetable Growers Association, Inc. (ALCAVEGA), lokal na pamahalaan (LGU), at iba pang stakeholders upang maging matagumpay ang aktibidad.
Ang National Field Day ay magsisilbing plataporma upang ipakita ang mga makabagong teknolohiya sa produksyon ng high-value crops sa ilalim ng White Fields Revolution Project, isang inisyatiba ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naglalayong palakasin ang ani, kita, at kakayahang makipagkumpitensya ng mga magsasaka sa pamamagitan ng protected cultivation systems at off-season vegetable production. Inaasahang magsisilbi itong inspirasyon at modelo para sa iba pang magsasaka at organisasyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Habang isinusulong ang paghahanda para sa aktibidad, itinampok din sa pulong ang pag-unlad ng ALCAVEGA bilang isa sa mga pangunahing benepisyaryo at katuwang ng DA-RFO 02 sa pagpapatupad ng mga makabagong teknolohiya sa rehiyon. Mula 2023 hanggang 2026, patuloy na tinatanggap ng ALCAVEGA ang suporta ng DA-RFO 02-HVCDP, na naging susi sa pagpapalawak ng kanilang produksyon, merkado, at kabuhayan. Sa pamamagitan ng mga interbensyong nakatuon sa modernisasyon ng pagsasaka, pagpapahusay ng pasilidad, at pagpapalakas ng market linkage, unti-unting napalakas ang kapasidad ng asosasyon, mula produksyon hanggang sa pagpasok sa mas malalaking pamilihan.
Bunga ng tuloy-tuloy na teknikal at pasilidad na suporta ng DA-RFO 02, nakapagtatag ang ALCAVEGA ng matibay na ugnayang pangmerkado sa Jollibee Foods Corporation (JFC). Sa kasalukuyan, sila ang nagsusuplay ng humigit-kumulang 90 porsyento ng mga produktong gaya ng bell pepper, calamansi, kamatis, at luya, na inihahatid sa mga kilalang brand tulad ng Mang Inasal at Greenwich. Ang dating limitadong merkado ng mga magsasaka ay lumawak tungo sa malalaking institutional buyers, na nagbigay ng mas tiyak at tuloy-tuloy na kita.
Bilang bahagi ng isinagawang benchmarking activity, tinalakay ang iba’t ibang makabagong teknolohiya gaya ng smart greenhouse, solar-powered fertigation system, nursery facilities, at packing at pre-cooling house bilang mga huwarang modelo ng moderno at sustenableng produksyon ng gulay. Ang mga pasilidad at teknolohiyang ito ay itinampok bilang mga mabubuting gawain na maaaring tularan ng iba pang Farmers’ Cooperatives and Associations sa rehiyon, kabilang ang Sanguit Upland Farmers Multi-Purpose Cooperative, upang higit pang mapalakas ang kanilang kapasidad sa produksyon, mapahusay ang kalidad ng ani, at mapataas ang kakayahang makipagkumpitensya sa pamilihan.
Sa layuning higit pang palawakin ang ugnayang pangmerkado, lumahok ang MacroAsia Corporation sa isinagawang benchmarking activity upang magsagawa ng site assessment at suriin ang kakayahan ng ALCAVEGA bilang potensyal na institutional buyer at strategic partner. Layunin ng kanilang partisipasyon na tukuyin ang mga oportunidad para sa suplay ng mga high-value crops, kabilangang repolyo, kamatis, bell pepper at kamote. Bilang mga susunod na hakbang, napagkasunduan ang patuloy na koordinasyon sa pagitan ng DA-RFO 02, ALCAVEGA, at MacroAsia Corporation para sa pagtukoy ng mgapangangailangan sa suplay at kalidad, pagsusuri sa produksyon at logistics, at pagtukoy ng mga konkretong hakbang tungo sa posibleng pormalisasyon ng partnership. Inaasahan magbubukas ito ng mas malawak at matatag na merkado na magpapalakas sa kabuhayan ng mga magsasaka sa Alfonso Castañeda.
Istorya at Larawan: Engr. Ezra Jasmine P. Maramag
