Sa pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Setyembre 13, 2025, sabayang isinagawa ng pamahalaan ang pamamahagi ng iba’t ibang interbensyon para sa mga magsasaka sa buong Cagayan Valley.

Umabot sa kabuuang P199,355,353.33 ang naipamahaging suporta na naglalayong palakasin ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon. Kabilang dito ang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) para sa 822 magsasaka na may halagang P5,754,000.00; ang Agricultural Machinery, Equipment, Facility and Infrastructure Projects (AMEFIP) para sa 76 Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) na nagkakahalaga ng P183,494,353.33; at ang Fuel Subsidy Assistance para sa 3,369 magsasaka sa Isabela at Nueva Vizcaya na nagkakahalaga ng P10,107,000.00.

Bukod dito, ipinamahagi rin ang assorted vegetable seeds at iba pang farm inputs sa mga benepisyaryo. Isinagawa din ang Benteng Bigas program na target ang 500 benepisyaryo bawat probinsya, at sa Cagayan naman ay naipagkaloob ang mga animal stocks, feeds, at egg incubator upang lalo pang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang mga aktibidad ay isinagawa sa mga iba’t ibang lugar sa rehiyon na kinabibilangan ng DA-Southern Cagayan Research Center (DA-SCRC) sa Iguig at SM City sa Tuguegarao City, Cagayan; DA-Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC) at Provincial Capitol sa Ilagan, Isabela; DA-Nueva Vizcaya Experiment Station (DA-NVES) sa Bagabag at Provincial Capitol sa Bayombong, Nueva Vizcaya; DA-Quirino Experiment Station (DA-QES) sa Aglipay at Provincial Capitol sa Cabarroguis, Quirino; at Farmers and Fishermen’s Market at DA-Batanes Experiment Station (DA-BES) sa Basco, Batanes.

Hatid ng pamahalaan ang tunay na malasakit para sa mas masaganang ani at kabuhayan ng mga magsasaka, katuwang ang Bagong Pilipinas.

Storya ni Barby Balcita

Litrato ng DA RFO 02 RAFIS