Matibay na simula ng taon para sa  Department of Agriculture Regional Field Office No. II (DA RFO 02) ang ipinakita sa kauna-unahang Monday Convocation 2026. Binigyang kulay pa ito ng suot na ASEAN Attire ng bawat empleyado.

Nagbalik-tanaw si Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino sa mga tagumpay ng kagawaran mula 2023 hanggang 2025. Binigyang-diin din niya na sa kabila ng mga hamong kinaharap, nanatili pa rin ang pagtutulungan ng mga empleyado.

“Twenty twenty-five was the toughest year so far. Despite that, we were tough to develop innovations. We came up with good strategic plans,” saad ni RED Aquino.

Ibinahagi rin niya ang mga natutunan niya noong 2024, ang RGA o Realize Things, Learn to Let Go and Let God, at Acceptance and Appreciation.

“Ano man yung results, whether extraordinary or failures, it’s okay kasi that’s life. That will make our life easier for us. This 2026, hindi na ako mag-aalala kasi nag-end ako na may acceptance and appreciation,” dagdag niya.

Bukod dito, ibinahagi din niya ang layunin ng DA Region ngayong 2026: ‘Radiate Best Practices for Good Gold and Gratitude. Hinamon niya rin ang bawat isa na maging radiant-star para sa mga magsasaka at mangingisda na siyang magiging gabay para sa good harvest at income, magbigay inspirasyon, at magbigay ng pag-asa.

Positibo rin ang direktor na muling makakamit ng kagawaran ang unang pwesto sa Performance Appreciation System 2026 matapos hiranging Rank 1 noong 2024.

Suportado rin nila RTD for Research and Regulations, Ms. Kay S. Olivas at RTD for Operations and Extension, Roberto C. Busania, DVM ang hangarin ni RED Aquino at hinikayat ang mga empleyado na magtulungan para sa mas maraming tagumpay.

Samantala, ginawaran ng certificate of appreciation ng Office of the Regional Executive Director ang dalawang RTDs at mga Division Chiefs na nagsisilbing OIC ng opisina sa ngalan ni RED Aquino. Nakatanggap din ng parangal ang mga early bird at most active na mga empleyado tuwing management committee meetings. Bilang insentibo, kinilala rin ang dalawang Best ASEAN Attire sa mga empleyado.

Sinasalamin ng pagtitipong ito ang pagkakaisa ng mga empleyado sa pagkamit ng masaganang agrikultura at maunlad na ekonomiya sa Cagayan Valley.

 

Istorya ni: Jackilou T. Tumaliuan