Pinalakas ng Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA RFO 02) at Commission on Human Rights Region 2 (CHR RO2) ang kanilangg ugnayan matapos maglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa regular airtime ng CHR sa DZDA 105.3 FM Radyo Pangkaunlaran kamakailan lamang.

Ang MOA ay naglalayong mas mapalawak ang abot ng human rights education sa mga komunidad, partikular sa mga rural areas kung saan mahalaga ang role ng radyo bilang information channel.

Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan  ang DA RFO 02 ng isang oras na libreng airtime tuwing huling biyernes ng buwan, mula 1:00-2:00 PM, upang maipahayag ng CHR ang kanilang mga programa at serbisyo lalo na sa usapin ng Economics, Social and Cultural Rights (ESCR).

Tiniyak din ng DA ang pagbibigay ng teknikal na suporta, production assistance, at pagsiguro na ang lahat ng broadcast materials ay sumusunod sa NTC rules at DZDA House Rules.

Samantala, nangako ang CHR RO2 na panatilihin ang development – oriented at non-partisan programming; magbahagi ng mga impormasyon ukol sa human rights advocacies; paigtingin ang audience engagement at cross-posting sa social media; at makipag-ugnayan ng regular sa DA RFO 02 para sa maayos na pagpapatakbo ng programa.

Nilagdaan ang MOA sa harap nina DA Regional Executive Diretor Rose Mary G. Aquino at CHR Regional Director Atty. Jimmy P. Baliga. Saksi rin sa pagpirma sina DA RFO 02 Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Roberto C. Busania at CHR RO2’s Atty. Monchito N. Matias.

Istorya: Mildred T. Alan