Upang mas mapagtibay ang kahandaan ng rehiyon laban sa Avian Influenza (AI), isinagawa ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 (DA RFO 2) ang pagbubuo ng Regional Avian Influenza Task Force sa Inter-Agency Meeting na ginanap noong December 9, 2025 sa DA RFO 2 Organic Agriculture Hall, Tuguegarao City.

Ito ay alinsunod sa Joint DOH–DA Administrative Order No. 001, s. 2005 na may layuning pag-isahin ang mga ahensya para sa mas mabilis, organisado, at epektibong pagtugon sakaling magkaroon ng banta ng Avian Influenza (AI) outbreak sa rehiyon.

Ang Task Force ay binubuo ng mga kinatawan mula sa:

  • Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 (DA RFO 2)
  • Department of Health (DOH)
  • Philippine National Police (PNP)
  • Department of the Interior and Local Government (DILG)
  • Office of Civil Defense (OCD)
  • Armed Forces of the Philippines (AFP)
  • Bureau of Animal Industry (BAI) Veterinary Quarantine Station 2
  • Department of Foreign Affairs (DFA)
  • Department of Transportation and Communications (DOTC)
  • Department of Finance (DOF)
  • Department of Labor and Employment (DOLE)
  • Philippine Information Agency (PIA)
  • Department of Environment and Natural Resources (DENR)
  • Department of Education (DepED)
  • Private sector at iba pang stakeholders

Kabilang sa kanilang tungkulin ang pagpapatupad ng Avian Influenza Preparedness Plan (AIPP), pagbibigay ng suporta at resources sa lokal na operasyon, agarang imbestigasyon ng kahina-hinalang kaso, pagsusuri sa laboratoryo, at koordinasyon sa National Task Force para sa emergency response. Nakatuon din sila sa pagtatasa ng high-risk areas, paghahanda ng surveillance reports, pagbibigay ng seminars at impormasyon, pagpapalakas ng biosecurity practices, at sa oras ng kumpirmadong kaso, ang RAITF ang nag-uutos ng agarang pagsasara ng apektadong poultry farm upang pigilan ang pagkalat ng sakit.

Ipinunto sa pulong na bagama’t walang kumpirmadong kaso ng Avian Influenza (AI) sa kasalukuyan, nananatiling naka-alerto anG DA dahil sa malamig na klima at presensya ng migratory birds na maaaring magsilbing kondisyon sa survival ng virus. Tinalakay rin ang Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) H5N1 investigation report mula sa Department of Health (DOH), na nagpapakita ng epekto ng AI sa tao at binigyang-diin ang kahalagahan ng monitoring at preventive measures para mapanatili ang kaligtasan ng publiko.

Ayon kay Dr. Manuel M. Galang Jr., Veterinarian III, “Hindi lang hayop ang threatened dito, kundi pati mga tao. Kaya kailangan mas ma-strengthen ang inter-agency coordination para sa preparedness at quick response.”

Binigyang-diin din ang mga sintomas ng Avian Influenza tulad ng biglaang pagkamatay, pagbaba ng egg production, soft-shelled eggs, pamumula ng paa, pamumutla o pangungitim ng palong, kawalan ng gana, panghihina at diarrhea. Tanging laboratory test lamang ang makapagpapatunay ng AI infection kaya’t mahalagang agad mag-report ang mga poultry owners sa anumang kahina-hinalang kaso.

“Higit na mahalaga ang bilis ng pagre-report ng ating mga kababayan,” ani Dr. Galang, at idinagdag niyang dapat agad ipagbigay-alam ang anumang sintomas sa barangay officials, agricultural officers, LGUs, DA RFO 2, o BAI upang agad na makakilos ang response team.

Sa pagtatapos ng pulong, muling inilahad ng DA RFO 2 na ang pagpatatag ng Task Force ay isang pinagsama-samang responsibilidad ng bawat ahensya na kinakailangan ang sama-samang pagkilos upang epektibong mamahala at makontrol ang pagkalat ng sakit.

Istorya ni Aza-zel T. Erro