Ipinakita ng Department of Agriculture-Regional Field Office 02 (DA RFO 02) ang ilan sa mga naging inisyatiba nito sa pagpapaunlad ng industriya ng pagmamais sa Lambak ng Cagayan sa ginanap na kauna-unahang Agri-Media Tour sa rehiyon noong December 4, 2025.
Binisita ng ilang lokal at nasyunal media entities ang ilan sa mga naging proyekto at programa ng ahensya para sa mga Farmers’ Cooperative and Associations (FCAs) at lokal na pamahalaan na layuning patibayin ang sektor ng agrikultura sa Lambak.
Isa ang bayan ng Alcala, Cagayan sa tumanggap ng interbensyon mula Kagawaran sa paggamit nito sa pagtatanim ng puting mais na pinoproseso bilang ‘kornik’ at inuming kape. Sa ngayon, ang Alcala White Corn Growers Association ay may kasunduan na sa Nacho King Corp. bilang institutional buyer na magsusuplay sa kanila ng puting mais.
Sa Tumauini, Isabela, ipinakita ang adhikain nilang maging “Corn Silage Capital” dahil sa malawakang pagtatanim nito ng mais para gawing corn silage, mainam na alternatibong pakain sa alagang hayop.
Samantala, ipinasilip din ang Phase 1 I-Corn Complex sa Ilagan, Isabela sa nalalapit nitong inogurasyon sa susunod na taon. Naipatayo ang pasilidad at mga kagamitan na ito bilang post harvest facility sa pamamagitan ng DA at pamahalaang lokal na pinondohan ng nasa mahigit P134 milyon. Mabebenepisyuhan nito ang nasa libong miyembro ng AMA-SILA o Asosasyon ng mga Ama sa Ilagan.
Ang Villa Luna Multi-Purpose Cooperative ay ibinida rin ang kanilang poultry-egg production at naging tulong ng DA sa kanila mula sa natanggap nitong mga makinarya, pasilidad at mga agriculture inputs tulad ng binhi, abono at iba pa na sumusuporta sa paggawa nila ng corn feeds at cassava production bilang ingridient sa pormula ng pakain sa alagang hayop.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, nabigyan ang mga kinatawan mula sa midya ng mas malawak at mas malalim na pang-unawa sa mga programa, proyekto, at inobasyon ng DA RFO 02.
Sa pagdalaw sa iba’t ibang pasilidad, higit na naipamalas ang dedikasyon ng ahensiya sa pagpapatibay ng produksyon at seguridad sa pagkain sa rehiyon.
Ilan sa mga naimbitang media entities ay ang PTV4, A2Z, Philippine Star, BusinessWorld, Philippine Information Agency Region 02, RBC TV Cable Master System, at DWPE Radyo Pilipinas.
Istorya ni: Mildred Alan
