TUAO, Cagayan – Nasa 32 na barangay ang makikinabang sa inilunsad na ‘Gulayan sa Bayan Program,” isa sa programa ng Department of Agriculture Regional Field Office No 2 (DA RFO 2) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP), na ginanap sa Bulagao, Tuao Cagayan, noong November 19, 2025.
Layunin ng programang ito na matugunan ang malnutrisyon, palakasin ang seguridad sa pagkain, at matiyak na may sapat, sariwa, at masustansiyang pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.
Ito ay sa bisa ng isinagawang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Kagawaran, Lokal na pamahalaan ng Tuao at ng Rural Improvement Club (RIC) na pinangunahan ni Municipal Mayor William N. Mamba, katuwang si RIC Regional President, Atty. Mabel Villarica-Mamba, at kinatawan ng Office of the Provincial Agriculturist, na si Mr. Jimmy Soliven Jr., at iba ipang opisyales mula sa bayan ng Tuao.
Binigyang diin ni Mayor Mamba na ang programan ito ay simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan para sa patuloy na pagkakaroon ng sapat at masustansiyang pagkain sa kanilang komunidad.
Samantala, nangako naman si RIC chairperson Atty. Villarica-Mamba na ang 10 porsiyento ng ani mula sa produksiyon ng gulayan ay ipapamahagi sa mga napiling benepisyaryo sa ibat-ibang daycare centers sa lugar.
Sa pamamagitan ng adhikaing ito, magproprodyus ng maraming vegetable seedlings na ipapamahagi sa bawat barangay para higit pang palakasin ang produksiyon ng sariwa at masustansiyang gulay na makikinabang ang buong komunidad.
Istorya ni: Jovyjane Ganat
