Kasabay ng pagdiriwang ng National Rice Awareness Month Kick-Off 2025 ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 2, pormal na inilunsad ngayong Nobyembre 3, 2025, ang Mobile Soil Laboratory sa Department of Agriculture – Southern Cagayan Research Center.
Ito ay mobile na pasilidad na direktang inilalapit sa mga magsasaka, lalo na sa mga malalayong lugar sa rehiyon at gawing accessible upang magsagawa ng komprehensibong pagsusuri ng lupa, kung saan mabibigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng siyentipikong batayan para sa tamang paggamit ng tamang abono at mahusay na pamamahala ng kanilang lupain.
Ang nasabing MSL ay nahahati sa tatlong seksyon:
1. Chemical Section – Ang seksyong ito ay nakatuon sa pagtutukoy ng chemical properties of soil na mahalaga para sa tamang fertilizer recommendation at sustainable farming.
2. Soil Physical Analysis Section – Nagsasagawa ng pagsusuri sa Soil Physical Properties gaya ng soil texture, gamit ang iba’t ibang pamamaraan tulad ng:
a. Hydrometer Method – nakatuon sa Soil Texture / Particle Size Analysis.
b. Hydraulic Conductivity – gumagamit ng Constant Head Permeameter Method.
c. Moisture Content Analysis – nagbibigay ng agarang datos sa mga farmers at agricultural professionals upang makagawa ng tamang desisyon kaugnay ng irrigation, fertilizer application, at pangkalahatang soil management
d. Bulk Density Analysis – gumagamit ng core sampler upang makolekta ang soil sample.
3. Microbiological Analysis Section -Binubuo ng apat na parameters:
a. Trichoderma Production – sumusuporta sa CFA ng Department of Agriculture
b. Soil Respiration – gumagamit ng sensor para sa CO₂ respirometer, kung saan dine-detect ang CO₂ na inilalabas ng mga microorganisms mula sa lupa
c. Microfauna and Macrofauna Density – ginagamit upang masuri ang soil quality at soil health
d. Root Image Analyzer – ginagamit para sa analysis at monitoring ng plant’s growth
Matatandaan na unang inilunsad ang Mobile Soil Laboratory sa Cagayan Valley noong Hunyo 30, 2025, bilang isang inobasyon na magdadala ng siyensya at teknolohiya direkta sa mga bukirin. Inaasahan nitong magsilbing kaagapay ng mga lokal na pamahalaan at extension workers sa pagpapabuti ng agrikultura sa rehiyon.
Samantala, ipinagpapatuloy ng Department of Agriculture (DA) ang pagkakaroon ng mga mobile soil laboratory sa lahat ng regional offices na isang patunay na simbolo ng Bagong Pilipinas para sa mas masaganang agrikultura, lalo na sa Lambak ng Cagayan.
Istorya ni: Castle Castillo
