Muling inilapit ng DA Region 02 ang oportunidad sa 31 Farmers’ Associations (FAs) sa Cagayan Valley na kabilang sa Organizational Transformation activity na maging kooperatiba na sa tulong ng Pre-Registration Seminar (PRS) na isinagawa katuwang ang Cooperative Development Authority (CDA) kasabay ng pagdiriwang ng National Rice Awareness Month (NRAM) na dinaluhan ng halos 600 na magsasaka sa DA-Southern Cagayan Research Center (DA-SCRC) noong Nobyembre 03, 2025.

Ibinahagi ni Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino ang layunin ng DA Region 02 at CDA na mas maparami pa ang mga kooperatiba dito sa Rehiyon Dos dahil mas maraming benepisyong matatanggap.

“Ang maganda nito, nilapit na namin sa inyo ang services ng CDA for the pre-membership of 15 members of each of the association at paglabas ninyo as much as possible, magiging cooperative na kayo. Today, I declare you already cooperatives. Congratulations to all of you,” saad ni RED Aquino.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Ms. Ivonne Paredes, Cooperative Development Specialist II na kinakailangang dumalo ng mga magsasaka sa PRS bago maparehistro ang kanilang asosasyon.

“Bago po maregister yung asosasyon natin o yung kooperatiba sa CDA, we have to attend the Pre-Registration Seminar kasi ito po ay required ni CDA at nasa batas po kasi ‘yan,” paliwanag ni CDS Paredes.

Binigyang-diin din niya ang mga responsibilidad ng mga miyembro ng kooperatiba at ang pagkakapantay-pantay ng bawat miyembro.

“Sa kooperatiba, maganda po ‘yan kasi lahat po pantay-pantay. Kung ano yung benefit ni member one yun din yung makukuha ni member two,” dagdag ni Ms. Ivonne.

Sinasalamin ng inisyatibang ito ang hangarin ng kagawaran na mapaunlad pa ang kabuhayan at samahan ng mga magsasaka sa Cagayan Valley tungo sa masaganang Bagong Pilipinas.

 

Istorya: Jackilou Tumaliuan