Dumalo ang mahigit 600 na magsasaka sa Cooperative Month Celebration, kung saan matagumpay na naisigawa ang conversion ng 63 Farmers’ Associations (FAs) mula sa Cagayan at Isabela sa pagiging kooperatiba na isinagawa sa Robinsons Place Tuguegarao City noong October 23, 2025.
Ito ay alinsunod sa Presidential Directive No. PBBM-2023-335 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ipinapatupad ang kautusang ito sa pamamagitan ng mga programs at orientations na inilulunsad ng mga ahensiya ng pamahalaan kabilang ang Cooperative Development Authority (CDA). Layunin nitong buuin o gawing kooperatiba ang mga asosasyon ng mga magsasaka.
Sa kaniyang mensahe, hinikayat ni Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino na magpaconvert ang mga FAs bilang bagong kooperatiba. Binigyang-diin din niya na mayroong pera sa kooperatiba at ibinahagi ang mga benepisyong pwedeng matanggap ng mga farmers’ cooperatives.
“Ang conversion po of these associations into cooperatives will unlock access to greater capital, better training, shared equipment, and collective bargaining power. And more importantly, it will allow them to participate fully in the Department of Agriculture’s modernization and rural credit programs. To achieve this, we must strengthen our collaboration with CDA and Local Government Units (LGUs) to streamline the conversion process,” saad ni RED Aquino.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Ms. Annalyn L. Catulin, Cooperative Development Specialist II mula sa CDA Region 02 ang kahalagahan ng Pre-Registration Seminar (PRS) bilang isang mahalagang proseso para sa mga nais bumuo ng isang kooperatiba.
Ibinahagi rin niya ang mga kinakailangan sa pagbuo ng isang kooperatiba tulad ng pagkakaroon ng 15 o mas marami pang miyembro na Filipino citizens; nasa wastong edad (hindi bababa sa 18 years old); mayroong pagkakatulad ng interes o layunin; aktuwal na naninirahan o nagtatrabaho sa nakatakdang lugar ng operasyon; nakapagbayad ng required membership fee; nakapagbayad ng required initial paid-up share capitala; at nakatapos ng Pre-Registration Seminar o PRS.
Samantala, nauna nang nagpasa ng ibang dokumento ang labing-anim (16) na FAs para sa registration at siyam (9) naman ang nagpareserba ng cooperative name. Dadaan sa masusing review ang mga dokumento bago gawing kooperatiba ang mga FAs.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, nais ng kagawaran na magkaroon ng mas maraming kooperatiba sa Lambak ng Cagayan tungo sa masaganang Bagong Pilipinas.
Istorya: Jackilou T. Tumaliuan
