Isinagawa ng Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office 2 (PRDP RPCO 2), sa pangunguna ng I-PLAN Component at InfoACE Unit, ang dalawang-araw na orientation sa mga programa ng Department of Agriculture at PRDP Scale-Up para sa mga bagong Local Chief Executives (LCEs) noong Oktubre 16–17, 2025.

Ang unang araw ng aktibidad ay ginanap sa Las Palmas Hotel, Tuguegarao City, samantalang ang ikalawang araw ay idinaos sa The Hotel Sophia, Airport Road, Cauayan City, Isabela.

Pangunahing layunin ng aktibidad na mapalawak ang pag-unawa ng mga bagong halal na LCEs o kanilang mga awtorisadong kinatawan sa mga programa, proyekto, at serbisyong inihahatid ng Department of Agriculture, gayundin sa mga proyektong ibinibigay ng PRDP Scale-Up para sa pagpapaunlad ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan.

Layunin din ng orientation na ipakilala ang mga component at unit, pati na rin ang mga operasyonal na pamamaraan ng PRDP Scale-Up, kabilang ang value chain approach at mga climate-resilient strategies na mahalaga sa pagsusulong ng matatag na agrikultura.

Nais din nitong gabayan ang mga LCEs sa pagsasama ng mga regular na programa ng DA at mga proseso ng PRDP Scale-Up sa kanilang mga lokal na plano at programa upang matiyak na ang mga ito ay nakahanay sa mga pambansang layunin sa pagpapaunlad ng kanayunan at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pangingisda.

Ang nasabing orientation ay dinaluhan ng mga bagong LCE at kanilang mga kinatawan mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Batanes. Sa unang araw ng aktibidad, ang mga kalahok mula sa Batanes ay nakibahagi sa pamamagitan ng virtual platform.

Tinalakay ni Bb. Bernadette T. Galoso, I-PLAN Component Head at PMED Chief, ang layunin at dahilan ng orientation.

Samantala, ipinresenta ni Regional Technical Director at PRDP RPCO 2 Deputy Project Director Kay S. Olivas ang PRDP Institutional Strengthening Action Plan (ISAP) sa mga kalahok.

Nanawagan naman si Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino sa mga munisipalidad na magsumite ng kanilang Local Agricultural and Fisheries Mechanization Plan (LAFMP). Upang matulungan sila sa pagbuo nito, ang mga technical staff mula sa bawat munisipalidad sa limang lalawigan ng rehiyon ay magpupulong para sa isang workshop sa Nobyembre.

Ipinahayag ng mga kalahok na LCEs o kanilang mga kinatawan ang kanilang suporta at pangako sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangingisda sa kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng isang ceremonial signing ng Pledge of Commitment.

Sa kabuuan, ang aktibidad ay nagsilbing plataporma para sa pagpapalitan ng mga ideya, katanungan, at suhestiyon upang mapabuti at mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-agrikultura.