Ipinamalas ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA-RFO 02) sa pamamagitan ng Corn Program sa isinagawang Farmer’s Field Day sa Brgy. Villa Luna, Cauayan City, Isabela ang malinaw na benepisyo ng paggamit ng Recommended Corn Production Technologies (RCPT) sa higit kumulang na 700 miyembro ng Villa Luna Multi-Purpose Cooperative para sa yellow corn, partikular sa aspeto ng gastos at kita ng mga magsasaka.

Ang teknolohiyang ito ay tumutukoy sa mga teknolohiyang pamamaraan at praktis na inirerekomenda upang mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka ng mais habang mapababa ang gastos sa produksiyon.

Sa iprinisintang Cost and Return Analysis, ang Villa Luna Multi-Purpose Cooperative ay nakapagtala ng may kabuuang ani na 11,280 kg ng yellow corn kada ektarya. Samantala, kung ikukumpara sa nakasanayang pagtatanim nasa 5,700 kg kada ektarya lang ang maaaring anihin.

Lumalabas sa datos na 93% ang Return of Investment (ROI) kung may aplikasyon ng RCPT habang walong (8%) porsiyento lamang sa nakagawian.

Pinapatunayan nito na ang mga angkop na teknolohiya gaya ng paggamit ng GM hybrid yellow corn seeds, tamang dami ng abono, bio-fertilizer at agricultural lime ay nagreresulta sa mas mataas na ani at mas malaking kita.