Matagumpay na isinagawa ang Regional Celebration of the National Agriculture and Fisheries Extension Services (NAFES) Month noong Oktubre 16–17, 2025 sa Santiago City Sports Arena sa lungsod ng Santiago.

Ang selebrasyong ito ay pinangunahan ng DA-Agricultural Training Institute Regional Training Center II, katuwang ang Philippine Association of Agriculturists (PAA) – Magat Chapter sa pamumuno ni Mr. Ruben S. Santos, at sinuportahan ng DA Regional Field Office No. 2.

Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 400 AEWs mula sa iba’t ibang probinsya ng Rehiyon Dos.

Layunin ng aktibidad na pagtipunin ang mga kasapi ng PAA, na karamihan ay mga agri-fishery extension professionals at stakeholders mula sa Department of Agriculture, Local Government Units (LGUs), at State Universities and Colleges (SUCs), upang mapalawak ang kamalayan sa mahalagang papel ng extension services sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangingisda.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DA-RFO 2 Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino ang mahalagang gampanin ng mga kasapi ng PAA na nagsisilbi bilang AEWs.

Aniya, “We, the PAA members, are the real ‘paa’ and agents in helping achieve one goal, one extension service sa pamamagitan ng matiyagang pag-ikot sa field, pagbisita sa kabahayan ng mga magsasaka, at paglalakad araw-araw, naipapaabot natin ang serbisyo sa ating mga magsasaka at mangingisda.”

Ayon pa kay Director Aquino, ang ahensya ay patuloy na nagsasagawa ng iba’t ibang extension modalities sa rehiyon tulad Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2) Program, Location-Specific Production and Extension (ProdEx) Services towards community-based agri-enterprises, Agribusiness and Developed Processed Products – Technology Business Incubator (ADePt–TBI) Project, at School-on-the-Air Project.

Tampok din sa selebrasyon ang pagpapakita ng mga inobasyon at best practices, gayundin ang pagkilala sa mga natatanging extension workers, partners, at mga proyekto gaya ng Digital Farmers Program, Farm Tech Project, Young Farmers Internship Program, Learning Site for Agriculture Certificates, Private Agri-Fishery Extension Service Providers, at ang launching ng Agri Extension on Wheels.

Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagpapatibay ng kolaborasyon sa pagitan ng mga ahensya at sektor para sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng agrikultura at pangisdaan sa rehiyon.